Marcos, Duterte-Carpio naiproklama na!

Marcos, Duterte-Carpio naiproklama na!

May 25, 2022 @ 6:43 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pormal nang naiproklama bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., araw ng Miyerkules, Mayo 25.

Kasabay niyang iprinoklama ng Kongreso na tumatayong National Board of Canvassers, ang kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte bilang pangalawang pangulo ng bansa.

“I proclaim Ferdinand Romualdez Marcos Jr. as the duly elected President of the Republic of the Philippines and Sara Zimmerman Duterte as the duly elected Vice President of the Republic of the Philippines,” saad nina Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Lord Allan Velasco sa joint session ng Kongreso.

Nakakuha si Marcos ng 31,629,783 votes na doble ng nakuhang boto ng mahigpit nitong katunggali na si outgoing Vice President Leni Robredo na mayroong 15,035,773.

Habang nakakuha naman si Duterte-Carpio ng 32,208,417 votes habang ang pumapangalawa sa bilangan na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan ay nakakuha ng 9,329,207 votes.

Nabatid na inabot lamang ng dalawang araw ang canvassing ng mga boto para sa presidential at vice presidential race.

Kaugnay niyan ay ipinagmalaki ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na ang katatapos lamang ng halalan ay ang pinakamabilis na canvassing ng mga boto sa kasaysayan ng eleksyon sa bansa.

“We did not sacrifice accuracy and transparency, nakita niyo naman it was all open to the public, nakita niyo naman, first time, live feed tayo sa public,” ani Zubiri.

Samantala, Kabilang sa campaign promise ng BBM-Sara tandem ay ang pagkaisahin ang bansa, paramihin ang trabaho at pababain ang presyo ng mga bilihin habang tinutugunan ang nagpapatuloy na COVID-19 pandemic. RNT/ JCM