Marcos: Ilang lumilitaw na mga pangalan ng gabinete ispekulasyon lamang

Marcos: Ilang lumilitaw na mga pangalan ng gabinete ispekulasyon lamang

May 22, 2022 @ 10:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sumagot si presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga ispekulasyon at pangalang lumalabas na umano’y magiging bahagi ng kanyang gabinete. 

Kamakailan ay kinumpirma pa lamang ng kanyang kampo ang alok na Education secretary post kay presumptive vice president Sara Duterte, at Interior secretary post kay dating MMDA chairman at Uniteam campaign manager na si Benhur Abalos. 

Inalok din kina dating labor Sec. Bienvenido Laguesma na maging pinuno muli ng Department of Labor and Employment (DOLE) at kay migrant workers advocate Susan “Toots” Ople na maging kalihim ng bagong tatag na Department of Migrant Workers. 

Ilang pangalan naman ang lumilitaw sa social media bukod sa mga nabanggit, na base kay Marcos Jr. ay mga ispekulasyuon pa lamang.

Sa ngayon, isinasapinal pa aniya ang mga iba pang magiging miyembro ng kanyang gabinete. 

“Bagaman wala pa namang napapagusapang proklamasyon sa pagka-pangulo ay sinisimulan na natin ang proseso ng pagpili sa tingin natin ay may kakayahang mamuno sa ating mga departamento. Hindi ito madali dahil kailangan maging masusi ang ating pagkilatis, at lalong hindi naman dapat ito minamadali,” pahayag ni Marcos Jr. sa video blog niya sa YouTube nitong Sabado.

“May ilang pangalan na lumilitaw na hindi pa nakukumpirma, iyong iba nakumpirma na, pero marami dito ay spekulasyon pa lamang. Dadating din tayo sa tamang oras na ipapakilala ko na sa inyo sa sila isa-isa,” pagsisiguro naman ni Marcos Jr. 

Habang hinihintay ang proklamasyon, patuloy aniya ang paghahanda ng kanyang team para sa transition ng susunod na administrasyon. 

“Marami siguro kami ipapahayag at ikukumpirma kapag dumating na ang tamang oras,” giit ni Marcos Jr. RNT/SA