Marcos oks sa ladderized program para sa mga nars

Marcos oks sa ladderized program para sa mga nars

August 12, 2022 @ 11:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Suportado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang pagpapatupad ng “ladderized” program para sa mga nars upang palakasin ang sektor ng kalusugan ng bansa.

Ang suporta ni Marcos sa ideya ay ipinahayag niya sa ginanap na pulong nitong Huwebes kasama ang mga miyembro ng Private Sector Advisory Council (PSAC) sa Malacañang.

Tinalakay nila ang mga hamon na kinakaharap ng sektor ng kalusugan ng Pilipinas, kabilang na rito ang isyu sa mga nurse at health professional na umaalis ng bansa para magtrabaho sa ibang bansa.

“I like the ladderized idea for the nurses because that’s really becoming a problem – the brain drain that we are suffering,” ani Marcos.

“They [Filipino nurses] are so good everybody wants them, and they are willing to pay for it, and we are not, or we’re not able. So we have to come up with some strategies for that,” giit ni Marcos.

Si Department of Health (DOH) officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang nagbanggit ng ladderized program, na inoobserbahan sa University of the Philippines-Manila at ilang local government units (LGUs).

Ipinaliwanag naman ni Vergeire ang nasabing program kung saan sa ilalim nito ay nag-aalok ang UP Manila ng dalawang taong iskolarship para sa mga komadrona, kapag natapos na ang kurso, ay babalik sila sa komunidad upang maglingkod, ayon kay Vergeire.

Matapos magkaroon ng karanasan, bumalik sila sa UP Manila at mag-aral ng nursing sa loob ng dalawang taon, dagdag niya.

“So this ladderized program, there is this counterpart with local government. So we now have a couple of local governments that we have piloted this with. But of course, this would be – eventually para makapag-produce tayo nang madami,” paliwanag ni Vergeire.

Sinabi ni Marcos na isa sa mga programang makakatulong sa pagpigil sa mga medical practitioner na umalis ng bansa ay ang pagbibigay sa kaila ng scholarship.

Sinabi naman ni PSAC healthcare lead Paolo Maximo Borromeo, na maaari ring mapakinabangang ang inaalok ng TESDA na anim na buwang nursing aide course kung saan ang mga nagtapos ay maaaring i-deploy sa mga ospital pagkatapos ng ilang buwan.

Samantala, bukod sa pagbibigay ng scholarship at insentibo sa mga nursing school at nursing students, hinimok din ng PSAC ang pagrepaso sa mga suweldo at benepisyo ng mga nars. RNT