Marcos roadmap, ipinalalantad ng ilang senador sa unang SONA

Marcos roadmap, ipinalalantad ng ilang senador sa unang SONA

July 18, 2022 @ 5:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hiniling ng ilang senador kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ilatag ang kanyang plano at programa sa susunod na anim na taon sa unang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 25.

Sa magkakahiwalay na pahayag, unang sinabi ni Senador JV Ejercito na gusto niyang madinig ang mga “specifics” kung ano ang gagawin ni Marcos para sa ating bansa.

Aniya, dapat nakapokus si Marcos sa pagtalakay ng kanyang plano sa pagbabangon ng ekonomiya sa gitna ng pandemya, implementasyon ng Universal Health Care law, plano sa infrastructure, at food security.

“His inauguration speech was inspiring but his SONA needs to flesh out the details of his plan to address the challenges we face,” ayon kay Ejercito.

Hinggil sa pagbabangon ng ekonomiya, sinabi ng nakabalik na senador na dapat mailatag ng Pangulo ang kanyang plano na magbibigay proteksiyon sa kasakuyan at hinaharap na pandemya, at kasabay nito, magpanukala ng mabilisang pagbabangon ng ekonomiya sa gitna nang tumataas na pambansang utang at implasyon.

“There have been talks about raising taxes. This cannot be a stand alone plan rather it should be part of a comprehensive economic blueprint that I hope will be discussed in the SONA,” aniya.

Aniya, dapat tugunan din ni Marcos ang krisis kalusugan na nakaangkla sa estratehiya hinggil sa epektibong pagpapatupad ng Universal Health Care law.

“So we can strengthen our health care system and provide our people with affordable and accessible health care,” aniya.

Dapat din umanong ilantad ni Marcos ang plano nito sa imprastraktura matapos mangakong itutuloy ang Build, build,build program ng nakaraang administrasyon.

“Specifically, infrastructure projects that will modernize our transportation system, strengthen our tourism and more importantly allow for the efficient movement of people and goods,” ayon kay Ejercito.

Umaasa din si Ejercito na tutugunan ng administrasyon ang namimintong krisis sa pagkain.

“There have been suggestions to the effect that government should declare a state of agricultural emergency to allow government to address the impending food crisis,” ayon kay Ejercito.

Para naman kay Senador Nancy Binay, dapat talakayin din ni Marcos kung paano makaahon ang bansa sa epekto ng pandemya at tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

“Kumbaga ano pa ang nakikita niyang plano kung paano tayo makakaahon sa epekto ng pandemic, sa epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina. Ano ang magiging roadmap for the next six years… ‘yun ang dapat mailatag na niya during his first SONA,” ayon kay Binay sa ambush interview.

Gusto naman madinig ni Senador Robin Padilla ang plano ng administrasyton sa sector ng agriculture, energy, at infrastructure.

“Dapat buhayin ang agriculture. Gusto kong marinig ang mga ‘yun. Energy, pinangako ko ‘yan sa Occidental Mindoro kasi ang mga tao doon ay walang kuryente. Ang gusto kong malaman ano ang mga plano niya rito,” ayon kay Padilla. Ernie Reyes