MARCOS SA DAVOS DAPAT SUPORTAHAN

MARCOS SA DAVOS DAPAT SUPORTAHAN

January 17, 2023 @ 1:38 PM 1 week ago


HABANG tinitipa natin ito, mga Bro, nakikipagpulong na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iba’t ibang lider ng mga bansa, mga negosyante at iba pa na makatutulong sa pagpapalago ng kalakalan at kalagayan ng mga lipunan sa buong mundo sa ilalim ng World Economic Forum o WEF sa Davos, Switzerland.

Isang pandaigdigang non-government organization ang WEF at malakas itong lobbying group para sa mga pagbabagong pang-ekonomiya, pampulitika at panlipunan para sa ikababago at ikauunlad ng mundo.

Kabilang sa pinakamalalaking miyembro rito ang mga kompanyang multinational, bangko, bilyonaryo at iba pa may hawak ng malalaking puhunan.

Nasa 1,000 sa 3,000 miyembro nito ang mga kompanya o indibiduwal na may hawak na $5 bilyon taon-taon.

Si Pang. Marcos ang kaisa-isang lider sa Association of South East Asian Nations ngayon na dumalo sa taunang pagtitipon ng WEF.

Umaasa ang pamahalaang Marcos na makabibingwit ito ng mga kapital o pamumuhunan mula sa mga pamahalaan, internasyunal na kompanya, civic organization at mga indibiduwal na dumadalo sa ilang araw na miting.

Sabi ng Pangulo, bubuksan ang buong bansa para sa mga mamumuhunang dayuhan na miyembro ng WEF at nais ipakita ni Pang. Marcos na bentahe ang Pilipinas para sa lalong pag-unlad ng mga mamumuhunan.

At ang pag-unlad ng mga ito, maaaring kakalat mula sa Pilipinas patungo sa ibang mga bansa sa Asia-Pasipiko.

Kabilang naman sa mga tatalakayin ng Pangulo na roon magkaroon ng mga pamumuhunan at partnership ng Pilipinas at iba pa ang pagkain, enerhiya, imprastraktura at iba pa.

Siyempre pa, makikipag-bonding din si Pang. Bongbong sa Filipino community sa Switzerland at maaaring may mga Pilipino rin mula sa mga kalapit na bansa na sasama.

ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND

Ididiga sa Davos ni Pangulong Bongbong ang kahalagahan ng Maharlika Investment Fund na aprubado na sa Kamara at tatalakayin pa lang sa Senado.

Magkakaroon ng pondo ang MIF mula sa Land Bank of the Philippines na P50 bilyon; Development Bank of the Philippines – P25B; 100% dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ibibigay sa pambansang pamahalaan; at 10% ng kabuuang kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation sa mga palaro nito.

‘Yun bang === may nakahandang puhunan ang Pilipinas na pupwede nitong pakawalan sa pagtatayo ng mga proyektong sa huli ay ikagaganda ng kita ng Pilipinas.

At dito magkakaroon ng partnership ang Pilipinas sa mga dayuhang kompanya o indibiduwal na mamumuhunan.

Maaaring gamitin ang parte ng puhunan sa labas ng bansa o mas maganda kung sa Pilipinas lahat magagamit ang pondo.

PANAY ANG PUTAK

Sa ngayon, mga Bro, panay ang putak ng mga nasa oposiyon at kabilang dito ang pagsasabi nilang maling idiga ang MIF na hindi aprubado ng buong Kongreso.

Isinasangkalan din nila ang korapsyon sa katulad na pondo sa Malaysia na maaaring maganap din sa Pilipinas.

Subalit, hindi nila binabanggit ang paggamit ng nasabing pondo nang matagumpay ng China, Norway, Kuwait, Hong Kong, Abu Dhabi, Saudi Arabia, Singapore at iba pa.

Ang mabuti pa, suportahan ng lahat ang lakad ni Pang. Bongbong sa Davos para sa ikauunlad ng bayan at ikabubuti ng mga mamamayan.