Marcos sa power rate hike kasunod ng San Miguel TRO: ‘Padahan-dahan natin’

Marcos sa power rate hike kasunod ng San Miguel TRO: ‘Padahan-dahan natin’

November 30, 2022 @ 7:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes na sinisikap ng kanyang administrasyon na pigilan ang immediate surge sa power prices kasunod ng desisyon ng Court of Appeals (CA) na pansamantalang suspendihin ang power supply agreement sapagitan ng San Miguel Corp. subsidiary South Premier Power Corp. (SPPC) at ng Manila Electric Company (Meralco).

Umaasa si Marcos na hindi biglaang mararamdaman ng publiko ang epekto, partikular na ngayong holiday season.

“‘Yung worry ko lang itong nangyari sa… ‘yung TRO na binigay ng CA doon sa [power supply agreement] ng San Miguel at saka Meralco.. ‘Yun ang inaano namin ngayon, ‘yun ang talagang tinatrabaho namin ngayon, na hindi tumaas ang [power prices], not for this Christmas man lang,” ani Marcos.

“If we could postpone, padahan-dahan natin… kung tataas, dahan-dahanin natin ang pagtaas, masyado nang nahihirapan ang tao,” dagdag ng Pangulo.

Umaasa rin si Marcos na muling ikokonsidera ng CA ang aksyon ukol dito, at sinabing ang temporary restraining order laban sa PSA ay magkakaroon ng “extremely deleterious effect” sa power rates.

Ipinalabas ang TRO ng CA 14th Division nitong Nobyembre 24, kasunod ng petisyong inihain ng San Miguel Corp. subsidiary.

Nag-ugat ang petisyon mula sa desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) nitong Setyembre 29 na ibasura ang pleas ng SPPC, San Miguel Energy Corp., at Meralco na taasan ang generation charge. Kris Jose