Marcos Sr. abswelto sa ill-gotten wealth case

Marcos Sr. abswelto sa ill-gotten wealth case

February 23, 2023 @ 7:56 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Matapos ang mahigit dalawang dekada, ibinasura ng Sandiganbayan ang ill gotten wealth case laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at malalapit nitong kaibigan.

Inalis na rin ng Sandiganbayan 5th Division ang sequestration order sa Lianga Bay Logging Co. at Yulo King Ranch, dalawang property na sinasabing pag-aari ni Marcos Sr. at kanyang mga kaibigan.

Sa resolusyon ng anti-graft court, ibinasura ang kaso laban kina Marcos, Rafael Sison, Peter Sabido, Luis Yulo, Nicolas Dehesa, at Don Ferry dahil sa kahinaan ng ebidensya na magpapakita ng mga plano at stratehiya ng mga nabanggit upang itago ang mga umano’y ill-gotten wealth.

Magugunita na inihain ang kaso taon 1987 laban sa mga defendants at sa mga kumpanyang Lianga Bay Logging Co., Philippine Integrated Meat Corporation, YKR Corporation at PIMECO Marketing Corporation.

Sa rekord ng korte, itinanggi ni Yulo, isa sa akusado, ang alegasyon na nagkamal sila ng hindi maipaliwanag na yaman sa pamamagitan ng sabwatan.

Batay sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang sinasabing hindi maipaliwanag na yaman ng pamilya Marcos ay tinatayang nasa pagitan ng US$5 billion hanggang US$10 billion na pinaniniwalaang nakatago sa mga bangko sa labas ng bansa. Teresa Tavares