Marijuana gawing legal ‘for medical use’ – Roque

Marijuana gawing legal ‘for medical use’ – Roque

February 17, 2022 @ 7:39 AM 5 months ago


MANILA, Philippines – Pabor si UniTeam senatorial candidate Harry Roque na gawing legal ang paggamit ng marijuana “for medical purposes.”

Kung mahahalal, sinabi ni Roque, maghahain siya ng batas para gawing legal ang paggamit ng marijuana “as long as it is used to help ease the pain of cancer patients.”

“(I’m) strongly in favor, kasi po ngayon ako po ay nag-aalaga ng isa ng matandang dalagang tiya na nagpalaki sakin. She’s in pain because of breast cancer at sabi nga nila, I wish we could use marijuana in this instance para maibsan ang kanyang sakit ,” ayon kay Roque.

Taong 2019, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 6517 o ang panukalang “Philippine Compassionate Medical Cannabis Act” na naglalayong magbigay ng “compassionate and right of access to medical cannabis and expand research into its medicinal properties.”

Kontra naman ang Senado na gawing legal ang paggamit ng marijuana o cannabis sa bansa kahit ibinaba na ng United Nations Commission on Narcotics Drugs (CND) ang klasipikasyon sa paggamit nito.

Sinabi ni Senate president Vicente Sotto III, ang aksyon ng UN ay magreresulta sa pagbabago ng batas sa bansa partikular na sa pagsasa- legal nang paggamit ng marijuana.

Base sa desisyon ng CND, ni-reclasify ang paggamit ng marijuana mula sa Schedule IV (most dangerous) hanggang Schedule I (least dangerous) na umano’y magkakaroon ng impact sa narcotics laws sa Pilipinas.

Sa kabila nito, sinabi ng CND na bagama’t hindi masyadong delikado ang paggamit ng marijuana, kumpara sa morphine, heroin at cocaine na nasa ilalim ng Schedule IV ay nanatili pa ring delikado ang paggamit nito.

Para naman kay Senador Joel Villanueva, bagama’t bukas siya sa diskusyon sa medical marijuana ay may reservation pa rin siya dito at duda siya rito.

Paliwanag ni Villanueva, ang reservation niya dito ay dahil sa kapasidad ng mga ahensya ng gobyerno at sa regulasyon ng paggamit nito dahil sa posibleng pag-abuso sa paggamit nito. Kris Jose