Marilao mayor patay sa aksidente sa sinasakyang SUV

Marilao mayor patay sa aksidente sa sinasakyang SUV

October 10, 2022 @ 10:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Namatay si Marilao, Bulacan Mayor Ricardo Silvestre kagabi matapos na maaksidente ang sinasakyang SUV sa Mabalacat, Pampanga.

Nagtamo naman ng sugat ang driver at personal secretary ng alkalde. 

Batay sa imbestigasyon, magaalas-6 ng gabi habang binabaybay ng grupo ni Mayor Silvestre ang bahagi ng Prince Balagtas Avenue sa Clark Free Port Zone, bigla itong kumabig pakaliwa at sumalpok sa poste ng ilaw sa lugar.

Sa tindi ng pagkakabangga, nabunot ang poste mula sa pundasyon nito habang wasak ang unahang bahagi ng SUV.

Batay sa pulisya, nakausap pa umano ng mga first responder si Mayor Silvestre at mga kasama bago naisugod sa ospital.

Subalit makalipas ang dalawang oras, nasawi na ang alkadle na kinumpirma naman ng anak nito na si Jackie-lou Silvestre Guillermo. 

Nagpaabot ng pakikiramay si Gobernador ng Bulacan sa kanyang Facebook page at pinasalamatan ang alkalde sa pagkakaibigan, inspirasyon sa pamumuno at mga tao sa serbisyo sa Marilao.

Kilala umano sa pagiging mahusay, masipag at mabuting loob si Mayor SIlvestre.

Nanungkulan nang 11 taon bilang ABC President si Silvestre, naging punong barangay hanggang sa maging punong bayan noong 2019 at muling manalo nito 2022. RNT/SA