MARINA ipatatawag ng DOJ sa Mindoro oil spill

MARINA ipatatawag ng DOJ sa Mindoro oil spill

March 17, 2023 @ 11:33 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ipapatawag ng Department of Justice (DOJ) ang Maritime Industry Authority (MARINA) kaugnay sa patuloy na imbestigasyon sa paglubog ng MT Princess Empress na naging sanhi ng oil spill sa dagat na sakop ng Oriental Mindoro.

Sa panayam ng Super Radyo DZBB kay Justice Secretary Juan Crispin Remulla, hihilingin sa MARINA na dalhin sa kagawaran ang lahat ng dokumento at mga papeles na may kaugnayan sa lumubog na tanker at sa kumpanyang may-ari ng MT Princess Empress.

“We will call MARINA and ask them to walk us through the permitting process,” ani Remulla.

Magugunita na lumabas na hindi kasama sa listahan ng Certificate of Public Convenience ng RDC Reiled Marine Services ang naturang tanker.

Bubuo na rin ang DOJ ng investigating panel bilang bahagi ng “whole government approach”.

Nakikipag ugnayan na rin si Remulla sa marine biology expert na si Ed Carpenter para masuri ng maigi ang mga pinsala sa dagat dulot ng paglubog ng tanker.

Iginiit rin ni Remulla na credible ang testimonya ng nakuhang testigo na ang MT Princess Empress ay luma na at gawa lamang sa scrap at hindi nararapat maging tanker.

Taliwas ito sa pahayag ng may-ari na bago ang naturang tanker.

Ayon kay Remulla, bineripika mismo ng National Bureau of Investigation ang pahayag ng testigo.

“The declaration of the witness is consistent with reality,” dagdag ni Remulla. Teresa Tavares