‘MARITES’ MALAKING TULONG SA KASO NG COVID-19

‘MARITES’ MALAKING TULONG SA KASO NG COVID-19

July 29, 2022 @ 7:46 PM 2 weeks ago


KUNG magkakatotoo ang babala ng Department of Health na posibleng umabot sa 20,000 bawat araw ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa kapag patuloy na nagpabaya ang mamamayan, malamang na mapuwersa ang national government na magpatupad muli ang granular lockdown.

Gayunman sinabi na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hindi siya magpapatupad ng lockdown, subalit kung magpapatuloy naman ang pagtaas ng bilang ng mga tatamaan ng nakahahawang sakit, malamang na magbago ang kanyang isipan.

Sana, hindi mangyayari ang pangamba ng DOH lalo na’t gumagawa na sila ng mga hakbang para mapigil ang patuloy na pagtaas ng kaso sa pamamagitan ng paglulunsad ng mas pinaigting na pagkakaloob ng booster shots sa maraming mamamayan.

Siyempre, kahit pa nga handa ang pamahalaan na busugin sa booster shot ang bawa’t kuwalipikadong ma-mamayan, kung patuloy naman ang pagsuway ng marami sa umiiral pa ring health and safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, physical distancing at palagiang paghuhugas ng kamay, hindi pa rin mawawala ang banta ng nakahahawang sakit kahit pa nga kumpleto tayo sa bakuna.

Dapat pumasok ang mga ahensiyang nagpapatupad ng batas tulad ng pulisya, opisyal ng barangay at mga tanggapan ng lokal na pamahalaan para pagbawalan ang mga pagkukumpul-kumpulan ng mga tao lalo na kapag may okasyon dahil karamihang nalilimutan nila ang umiiral na panuntunan kapag oras ng kasiyahan.

Ang isa pa sa dapat na bantayan ng pulisya ay ang paglalagay ng ilang mga uri ng iligal na sugal tulad ng sakla, numbers games, drop ball at bingo na karaniwang sa gabi isinasagawa ng mga iligalista sa iba’t-ibang lalawigan.

Bukod kasi sa dikit-dikit ang mga taong tumataya sa iligal na pasugalan, halos nalilimutan na rin nilang magsuot ng face mask.

Narito ang ilan sa mga sumbong at reklamong ipinarating ng ating “marites” kaugnay sa nagaganap na iligal na pasugal na karaniwang isinisingit sa mga peryahan.

Sa Barangay Kanluran Old Zeus Gas at Barangay Marulas sa may Tirona Highway, kapwa nasa Kawit, Cavite, naglagay ng iligal na sugal sina alyas Egay, Xing at Baby Panganiban na dinudumog ng mga mananaya.

Sa Laguna, may puwesto sina Baby P. at alyas Ronald sa Barangay Uno Sampaguita sa Calamba habang si alyas Joseph P. ay sa national highway ng Brgy. Banlic sa Cabuyao at Karapatan Village na ang operator ay isang alyas Rommel. Makakatulong ang ating marites sa mga tauhan ng Police Regional Office IV-A para masugpo, hindi lamang ang iligal na sugal kundi pati na ang pagkalat ng COVID-19.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.