MAS GUSTO ANG ALAK KAYSA MAG-GIRLFRIEND

MAS GUSTO ANG ALAK KAYSA MAG-GIRLFRIEND

March 20, 2023 @ 12:11 AM 1 week ago


BAGAMA’T timplado pa rin ang oras ng mga establisimyento na alak at pulutan ang kalakal, tulad ng dati, may mga nalalasing sa pag-uwi.

Dahil lasing at hindi nakainom lang, may nadidisgrasya at naitatakbo sa ospital habang sa punerarya naman humahantong ang iba.

Ang iba, nagtataka sa kanilang paggising kung paano sila nakauwi na may bangga ang kanilang sasakyan o walang kahit anong katiting na galos.

Ang iba, sa ibang haybols nagagawi.

Pag-uwi, tinatanong lang naman siya ni misis ng “Mahal, saan ka natulog kagabi?”

Hehehehe!

ADIK SA ALAK HALOS LAHAT NG KALALAKIHAN

Sa ibang bansa naman, sa Kenya lalo na, kakaiba ang nagaganap.

Lulong na lulong o nagiging adik na sa alak ang mga kalalakihan.

Kaya naman, dahilsa kalasingan, kung natumba sila sa kalsada o sulok-sulok, doon na rin sila bumabangon makaraang mahimasmasan.

May balak ngayon ang pamahalaan nila na kontrolin ang paglalasing ng mga tao.

Isa ang pagkakaroon lang ng isang lugar ng inuman gaya ng bar o nightclub at limitadong operasyon at hindi 24 oras nakabukas.

Pero ang sabi ng mga kalalakihan, madali silang pumunta sa mga gumagawa ng mga alak na hindi rehistrado sa pamahalaan, kasama na ang kanilang lambanog.

Matatagpuan ang mga gawaan ng iligal na alak sa mga tabing ilog na kontrolado ng mga gang.

Kung may gusto, may paraan nga!

WALANG GIRLFRIEND, WALANG APO

Ang mga ina, napapansin nilang lumalaki ang mga lalaki nilang anak na nalululong na rin sa alak.

Siyempre pa, paglaki at pag-abot sa edad ng pag-aasawa, gusto nilang magka-girlfriend ang mga binata upang magkaroon sila ng apo at magpapatuloy ang kanilang lahi.

Pero heto na nga at higit na inaatupag ng mga binata ang uminom ng alak at malasing makaraan.

No girlfriend since birth ang drama ng mga ito.

Nakikini-kinita natin ang lungkot ng mga nagkakaedad na magulang.

Sa kanilang pagtanda, wala silang makahahalubilong apo.

Eh kung katulad sa Pinas na bibihira ang alagaan sa mga senior citizen na may sariling pondo o may ayuda ang pamahalaan, paano ang alagaan sa oras ng pangangailangan ng matatanda at apo at ng mga magulang at anak?

PAMBANSANG PROBLEMA  

Malaking problema ang ganitong sitwasyon sa isang bansa, lalo na sa hinaharap.

Sa China at Japan na kakaunti ang mga bata at susunod na henerasyon at nagsisitanda na ang higit na nakararami, nababahala ngayon ang kanilang pamahalaan at gumagawa na sila ng paraan na sila dumami.

Magiging problema kasi rito kung sino ang magpapatuloy ng kanilang mga pag-unlad at pagbabago na kanilang nasisimulan o pinaiiral na kapaki-pakinabang sa lahat nilang mamamayan.

Sa Kenya, tama lang na gumawa sila ng paraan na makontrol ang pagiging adik sa alak ng mga mamamayan, lalaki at babae, para na rin sa kinabukasan nila.