Mas maayos na VFA hinihintay pang maaprubahan ni PRRD

Mas maayos na VFA hinihintay pang maaprubahan ni PRRD

June 4, 2021 @ 4:40 PM 2 years ago


Manila, Philippines – NAGHIHINTAY kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na aprubahan nito ang  “improved” and “strengthened” major security pact  na pinapayagan ang  military training sa mga Filipino at American troops sa Pilipinas.

Sinasabing mahigit isang taon na ang nakalilipas matapos na ipag-utos ng Pangulo ang terminasyon ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Ayon kay Manila’s envoy to Washington Ambassador Jose Manuel Romualdez, inaasahan na magdedesisyon anumang oras si Pangulong Duterte kung ire-renew o hindi  ang  VFA matapos ang ilang linggong negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

“I know there has been improvement, a lot of time spent by both our countries, our panels on some of the things they want to improve in that agreement. It’s now in the Office of the President and I expect it to come out anytime now,” ani Romualdez sa  joint virtual press briefing kasama ang  US Embassy sa Maynila.

Kumpiyansa naman si Romualdez na magdedesisyon ang Pangulo na ipagpatuloy ang implementasyon ng  VFA lalo pa’t ito’y  “important piece of agreement” na isang “part of the Philippines’ bigger picture of relations and Mutual Defense Treaty with the US.”

“We are very confident that it will go through,” lahad nito.

Noong nakaraang taon ay ipinag-utos ni Pangulong  Duterte ang  abrogation o pag papawalang-bisa sa VFA, matapos na ang Estados Unidos, long-time Philippine defense at treaty ally ay binawi ang visa ng close ally at dating national police chief na ngayon ay  senador Ronald Dela Rosa.

Hindi naman nagbanggit ng kahit na anuman ang US officials ng specific reason kung bakit nakansela ang visa ni Dela Rosa.

Subalit marami ang lumutang na espekulasyon na ang pagkakasama ni Dela Rosa sa violent war ni Pangulong Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot ang dahilan ng kanselasyon ng visa ng senador.

Nagpadala naman agad ang Maynila ng official letter ukol sa terminasyon ng VFA sa Estados Unidos noong Pebrero 11, 2020.

Noong Nobyembre 2020 naman ay sinuspinde ni Pangulong Duterte ang abrogasyon ng kasunduan sa gitna ng  tensyon sa pagitan ng China sa pinagtatalunang  South China Sea.

Si Pangulong Duterte, isang vocal critic ng US, ay naglinang ng “closer ties” sa China at Russia habang madalas naman ang pagbanat sa US policies at kinastigo ang pagpuna ng Estados Unidos sa anti-drugs crackdown ng pamahalaan.

Ang VFA ay implementasyon ng  1951 Mutual Defense Treaty  na nilikha ng Estados Unidos  at Pilipinas bilang security partners matapos ang World War II.

Ito’y isang framework agreement na ang saklaw ay “treatment and presence of American forces” sa bansa mayroon man o walang war games.

Samantala, sinabi ni US Embassy Chargè d’Affaires John Law na mayroong “specific proposal” sa kung paano linawin at palakasin ang pagpapatupad ng  VFA  na napag-usapan ng magkabilang panig.

“Over series of weeks we had very productive, very good conversations between representatives from both governments,” saad nito.

Ang desisyon ni Pangulong Duterte na i-terminate ang VFA ay noong panahon na ang bansa ay nakikipaglaban sa territorial conflict  nito sa China sa South China Sea, kung saan ang  US Navy ay regular na nagsasagawa ng  freedom of navigation patrols para matiyak ang “unfettered access to the resource-rich waters.”

Nilikha rin ang VFA para sa posibleng pagtulong ng US military sa  Armed Forces of the Philippines sa paglaban sa  extremist groups sa pamamagitan ng pagbibigay ng  technical assistance at enemy surveillance sa mga tropang Filipino na nakikipaglaban sa militante.

Sinabi ni Law na ang VFA ay pangunahing bahagi ng pagtulong para maging matagumpay ang  MDT.

“We are committed to the success of our alliance worth the Philippines and that commitment is going to remain strong.” Kris Jose