Mas mababang presyo ng sibuyas, hirit ng SINAG

Mas mababang presyo ng sibuyas, hirit ng SINAG

March 13, 2023 @ 8:45 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Nananatiling mas mataas sa inaasahang range ang presyo ng sibuyas sa merkado sa Metro Manila, kahit na naiulat ng farmers groups ang pagbaba ng farmgate prices sa gitna ng local harvest season, at sa pagdating ng imports sa bansa.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), dapat na bumaba na sa hanggang P80 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa Metro Manila, matapos umabot sa mahigit P700 kada kilo sa ilang pamilihan sa Metro Manila noong nakaraang taon.

“‘Yung pula ngayon sa Nueva Ecija, lumalakad ng P55 to P60 (per kilogram) naman and ‘yung puti rin, more or less nasa P60 per kilo ang puting sibuyas ang farmgate price. Dapat ang presyo sa Metro Manila siguro nasa P90 or P80 (per kilogram),” pahayag ni SINAG Chairperson Rosendo So nitong Linggo sa ulat.

Batay sa nasabing ulat, nananatiling lampas P100 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa Metro  Manila, kung saan naglalaro ang presyo ng red onion sa P120 hanggang P140/kg, at white onion sa P100/kg sa Datu Tahil Market sa Commonwealth, Quezon City.

Batay sa pinakabagong datos mula sa price monitoring ng Department of Agriculture, naglalaro ang presyo ng local red onion ranged sa P90 hanggang P150, at ng local white onion mula P80 hanggang P130 kada kilo sa Metro Manila markets hanggang nitong Biyernes.

Naitala naman ang presyo ng imported onions mula P100 hanggang P120 kada kilo.

Sa kasalukuyan ay wala pang pahayag ang departamento hinggil dito. RNT/SA