Mas mabigat na pananagutan ng Private Employment Agency sa mga kasambahay, itinutulak sa Senado

Mas mabigat na pananagutan ng Private Employment Agency sa mga kasambahay, itinutulak sa Senado

March 2, 2023 @ 3:26 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Gustong amyendahan ni Senador Lito Lapid ang Republic Act (R.A.) No. 10361, na kilala bilang “Batas Kasambahay”, upang lumikha ng probisyon sa pananagutan at responsibilidad ng private employment agencies (PEAs) sa pangangalap ng domestic helpers.

Sa panukala, sinabi ni Lapid na nakatakda sa “Batas Kasambahay” ang karapatan at liabilities ng domestic helpers at kanilang employer kabilang ang standard requirements na ipapataw ng PEA sa aplikante na gustong magtrabaho bilang domestic helper.

Kabilang dito, ayon kay Lapid, ang medical or health certificate na ipinalabas ng isang local government health officer, barangay at police clearance, National Bureau of Investigation clearance, at duly authenticated birth certificate o anumang dokumentong magpapakita ng tunay na edad ng aplikante.

Pero naniniwala si Lapid na hindi sapat ang pagsusumite lamang ng standard requirements upang protektahan ang nagbabayad sa serbisyo ng PEA.

Kaya kanyang inihain ang Senate Bill No. 1811, upang amendahan ang “Batas Kasambahay” na mangangalaga sa employer at kanilang pamilya laban sa sinumang gagamit ng PEA sa paggawa ng kanilang intensyong kriminal kaya kailangan magtakda ng mas malawak na responsibilidad at pananagutan mula sa PEA.

“Ang pagsusumite lamang ng mga pamantayang kinakailangan na ito ay hindi sapat upang protektahan ang mga kumukuha ng serbisyo ng mga PEA. Ang layunin nitong ating inihaing panukalang batas ay maprotektahan ang mga employer at ang kanilang mga pamilya sa loob ng kanilang tirahan laban sa mga maaaring gumamit ng mga PEA sa mga posibleng kriminal na intensyon,” ayon kay Lapid.

Pananagutin ng panukala ang PEAs sa employer sa lahat ng sinahod, beneisyo at iba pang na naibigay sa domestic helper sakaling makagawa ito ng anumang labag sa batas. Kabilang sa magiging responsibilidad ng PEAs ang pagsasagawa ng background check, pagsusuri ng tunay na pagkakakilanlan at personal circumtances ng domestic helper sa pamamagitan ng angkop na dokumento.

“Layunin rin nitong S.B. No. 1811 na panagutin ang mga PEA at tiyaking magsasagawa sila ng masigasig na pagsusuri sa background at aktuwal na pag-verify ng pagkakakilanlan at background ng pamilya ng domestic helper, gayundin matiyak na sila ay hindi sisingilin ng anumang recruitment o placement fee,” ayon kay Lapid.

Dagdag ng panukala: “PEAs will be responsible for providing a pre-employment orientation briefing to the domestic worker and employer about their rights and responsibilities under the “Batas Kasambahay”. They will also be required to keep copies of employment contracts and agreements pertaining to recruited domestic workers, which must be made available during inspections or whenever required by the Department of Labor and Employment or local government officials.”

Inaatasan din ng panukala ang PEAs na tulungan ang domestic helper na magsampa ng reklamo o hinaing laban sa kanilang employer at makipagtulungan sa ahensiya ng pamahalaan sa anumang rescue operations na kinasasangkutan ng pang-aabuso at pagmamalabis sa DH.

“These changes will provide greater protection for both domestic helpers and their employers, and will help prevent criminal acts in households where domestic helpers are employed. Senate Bill No. 1811 is currently pending review and approval by the Senate,” ayon kay Lapid. Ernie Reyes