Mas mabigat na parusa ipapataw sa mga nananamantala sa foundlings – DSWD exec

Mas mabigat na parusa ipapataw sa mga nananamantala sa foundlings – DSWD exec

May 24, 2022 @ 2:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Martes na mas mabigat na ang parusa sa mga mag-aampon sa foundlings na may masamang intensyon sa ilalim ng bagong batas.

Sa Laging Handa public briefing, iginiit ni DSWD National Authority for Child Care (NACC) executive director Undersecretary Glenda Relova na sinumang mapatunayang nagkasala ay magmumulta ng P5 milyon at papatawan g dalawang taong pagkakakulong.

“Medyo pinalaki natin yung penalty,” aniya.

“Ang mga magpaparehistro ng foundling para sa masamang balak katulad ng child trafficking ay magkakaroon ng fine ranging from P1 million to P5 million or imprisonment na hindi bababa sa tatlong buwan at higit sa dalawang taon,” dagdag pa ng opisyal.

Binanggit ni Relova ang Article IV Section 17 ng Republic Act 11767 o ang Foundling Recognition and Protection Act.

Sa ilalim ng umano ng bagong batas, maaaring i-restore ng biological parents o legal guardians ang  legal custody at parental authority sa bata sa pamamagitan ng paghahain ng petisyon sa NACC.

Gayundin, itinatalaga sa batas ang “safe havens,” kung saan pwedeng dalahin ang foundlings, kabilang ang simbahan, Department of Health-accredited hospitals and facilities, local DSWD offices, at iba pa.

Hinikayat naman ni Relova ang susunod na administrasyon na ipagpatuloy ang pagsisikap ng departamento na pasimplehin ang proseso ng legal adoption at pagpapababa sa halaga nito. RNT/SA