Mas mabilis na paghahatid sa remotely operated vehicle mula Japan, pinaplantsa na

Mas mabilis na paghahatid sa remotely operated vehicle mula Japan, pinaplantsa na

March 17, 2023 @ 6:51 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinalakay ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga istratehiya upang mapabilis ang pagsasagawa ng Customs, Immigration, Quarantine, Security (CIQS) procedures para sa inaasahang pagdating ng Japanese Dynamic Positioning Vessel (DPV) na Shin Nichi Maru na may dalang Remotely Operated Vehicle (ROV) sa Marso 20 sa Naujan, Oriental Mindoro.

Pinamunuan ni PCG Crisis Management Committee Deputy Commandant for Operations, CG Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr, ang nasabing pagpupulong.

Ang Japanese DPV na may dalang ROV ay kinuha o nirentahan ng RDC Reield Marine Services para dagdagan ang mga maghahanap sa lumubog na MT Princess Empress sa katubigan ng probinsya ayon kay Committee Vice-Chairman, CG Vice Admiral Ronnie Gil Gavan.

Kasama sa pagpupulong sina CG Vice Admiral Punzalan Jr, mga kinatawan mula sa PCG, Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI), Bureau of Quarantine (BOQ) kung saan isinapinal ang plano para sa maayos at mahusay na “within-the-arrival-day” na pagsasagawa ng mga protocol nang hindi nakompromiso ang mga alituntunin sa kaligtasan at seguridad ng barko. Jocelyn Tabangcura-Domenden