MAS MABUTI KUNG MARAMING MC TAXI

MAS MABUTI KUNG MARAMING MC TAXI

December 12, 2022 @ 4:15 PM 2 months ago


Palaging nakabubuti sa taumbayan ang pagkakaroon ng maraming players sa kahit na anong industriya. Kapag may kompetisyon, nagiging mas mabuti ang mga serbisyo at bumababa ang presyo. At marami ang nagkakaroon ng hanapbuhay.

Sigurado, halos lahat sa atin ay nakaranas sumakay ng motorcycle taxi (MC taxi), lalo kung nagmamadali at ayaw maipit sa trapik. Hindi nakagugulat na pati ang mga tao sa gobyerno ay sumasang-ayon sa pagkakaroon ng mas marami pang MC taxi sa kalsada para sa kapakanan ng commuters sa Metro Manila.

Ngunit may ilan na hindi sumasang-ayon sa pagdami ng mga bumibiyaheng MC taxi? Aba’y bakit?

Kamakailan, dininig ng Kongreso ang mga reklamo sa shares acquisition ng Grab sa Move It. Walang nilabag ang Grab at Move It sa hakbang na ito at mismong si Transportation Secretary Jaime Bautista ay nagsabing walang legal issues hinggil dito.

Sa pagdinig, napatunayan pa nga na maski ang ibang MC taxi players ay tumanggap din ng investment sa ibang kumpanya o nagpalit ng pagmamay-ari sa mga nakalipas na taon.

Sa katunayan, ayon sa records ng SEC, ang Angkas ay tumaas ang asset mula P89 million noong 2020 at naging P588.23 million noong 2021.

Ang Angkas ay nag-o-operate sa pangalang DBDOYC Inc. na nagkaroon ng capital infusion ng higit P500 million at pinaniniwalaang mula sa Malaysian private equity firm na Creador. Ang managing director kasi ng Creador Capital Group ay si Omar Mahmoud. Si Mahmoud ang tumatayong director ngayon ng DBDOYC Inc.

Hinarang na rin pala dati ng Angkas ang pagpasok ng ibang players gaya ng JoyRide at Move It ngunit hindi pumayag ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na manaig ang monopolyo.

Nakapagtataka rin naman na iyong mga umaalma sa Grab at Move It acquisition ay sumang-ayon noon sa Angkas sa pagharang sa JoyRide at Move It noong 2019.

Gayun pa man, maski nakapasok ang iba pang players sa kalsada, mahigit 50% ang hawak ng Angkas na MC taxi sa Metro Manila. Pero sa 27,000 drivers nito, 7,000 ang tinatawag na “hiram” mula sa Move It at ito’y ayon mismo kay Col. Isaias Espino ng i-ACT, dating MC Taxi TWG Secretariat.

Sinabi ni Congresswoman Stella Quimbo sa pagdinig na “a dominant player is one who controls 50% of market.” Klaro na ang grupo ng Angkas ang nangingibabaw na MC taxi sa bansa.

Ang isang malinaw pa, walang anomalya sa Grab-Move It acquisition, lalo’t gayon din naman ang naging patakaran sa paglago ng ibang kumpanya.