MAS MAINIT NA PANAHON, ASAHAN DAHIL SA EL NIÑO

MAS MAINIT NA PANAHON, ASAHAN DAHIL SA EL NIÑO

January 23, 2023 @ 1:39 PM 2 weeks ago


MISMONG mga siyentipiko na ang nagsasabi kabilang ang ating Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magiging mas mainit ang darating na summer season sa bansa at sa buong mundo ngayong taong 2023 dahil eepekto na ang El Niño phenomenon.

 Ang nararanasan nating mahihina hanggang sa malalakas na ulan ngayong unang buwan lalo na sa Visayas at Mindanao, at paminsan-minsan sa Metro Manila ay indikasyon na malapit nang matapos ang umiiral na La Niña phenomenon.

 Kaya ngayon pa lamang ay panay na ang pagpapaalala ng pamunuan ng National Water Resources Board (NWRB) sa pangunguna ni executive director Dr. Sevillo David, Jr. sa mga nasa National Capital Region at Greater Manila Area para sa tama at responsableng paggamit ng tubig.

 Mangangahulugan kasi na ang sobrang mainit na panahon ng bakasyon sa bansa ay mas mataas na pangangailangan sa malinis na tubig kung saan ay nasa dalawang concessionaires sa NCR at GMA ang namamahala – ang Manila Water Company at ang Maynilad Water Services.

Sa pinakahuling pagsilip natin sa antas ng tubig sa Angat dam, nasa 213.79 meters, nalagpasan ang normal operation level nito na 212 meters.

Pero sa tantiya naman ng NWRB ay sasapat ang tubig sa Angat dam sa kabuuan ng summer season sa bansa.

May El Niño man o wala dapat pa rin naman tayong responsablle sa paggamit ng malinis na tubig. Ika nga ni ED David, bahagi dapat ito ng ating mga moral values, ang pagmamalasakit sa kalikasan at kapaligiran.

Sinasabayan naman ng pagseseguro ng Manila Water at Maynilad Water na malaki na ang nababawas sa nasasayang na tubig. Tayo rin kasing mga kostumer ang siyang nagbabayad ng water losses ng dalawang water concessionaires na ito kaya dapat kapag may nakita tayong tagas ng tubig sa mga kalsada ay ipagbigay-alam kaagad ito sa barangay para maitawag sa nabanggit na water companies.