Mas mainit na panahon, asahan na sa susunod na linggo – PAGASA

Mas mainit na panahon, asahan na sa susunod na linggo – PAGASA

March 17, 2023 @ 1:52 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Asahan na ang mas mainit na panahon sa susunod na linggo dahil sa papalapit na pagtatapos ng northeast monsoon o “amihan”.

“Nalalapit na po ang pagtatapos ng amihan season at maaaring sa susunod na linggo hanggang sa huling araw ng Marso ay magsimula na ‘yung warm and dry season or tag-init sa Pilipinas,” sinabi ni Pagasa weather specialist Benison Estareja.

Sa ngayon, tanging sa Northern Luzon na lamang nakakaapekto ang amihan.

Sa kabila nito, sinabi ng PAGASA na makararanas ng maulap na kalangitan na may mga pag-ulan ang Ilocos region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Central Luzon.

Samantala, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng maaliwalas na panahon na may mga kalat-kalat na pag-ulan.

Dagdag pa rito, sinabi ng PAGASA na nalusaw na ang binabantayang low pressure area sa Samar.

“Wala po tayong namo-monitor na low pressure area o bagyo na papasok ng Philippine area of responsibility hanggang sa mga susunod na araw,” ayon sa ulat. RNT/JGC