Mas maraming grade levels isasali sa pinalawig na F2F classes

Mas maraming grade levels isasali sa pinalawig na F2F classes

January 20, 2022 @ 9:06 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Habang naghahanda para sa pinalawig na phase o yugto ng limited face-to-face classes sa basic education, plano ng Department of Education (DepEd) na isama ang mga mag-aaral sa iba pang grade levels sa limited in-person sessions.

Nagbigay ng updates si DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa naging plano na expanded limited face-to-face classes sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Binanggit nito na kabilang sa posibleng magiging tampok ng expanded face-to-face classes ay ang isama ang mga estudyante mula sa iba’t ibang grade levels.

“Ibubukas na ito sa to more grade levels and more geographic areas,” ayon kay Malaluan.

Nang ipatupad ng DepEd ang pilot run ng limited face-to-face classes noong Nobyembre, sinabi ni Malaluan na tanging ang mga Kinder hanggang Grade 3 learners para sa Elementarya at iyong nangangailangan ng laboratory sa Senior High School (SHS) sa ilalim ng technical-vocational livelihood (TVL) track ang pinapayagan na magpartisipa.

Ang mga mag-aaral sa Grades 4 hanggang 6 (Elementary) at iyong nasa Grades 7, 8, 9, at 10 (Junior High School) ay hindi kasama sa pilot implementation ng limited face-to-face classes.

“Ang ating rekumendasyon dito sa expanded face-to-face classes ay nakabatay sa naging resulta ng ating pilot face-to-face ,” ayon kay Malaluan.

Ang paliwanagn ni Malaluan, ang mga lugar na nasa ilalim ng Level 3 — kung saan kabilang ang Kalakhang Maynila, ay hindi pa pinapayagan na magsagawa ng expand face-to-face classes.

Paliwanag nito, mayroong dalawang parametro sa expanded face-to-face classes.

“Una ay ang aspect ng readiness ng paaralan na tumupad sa protocols batay doon sa guidelines ng DepEd at DOH at iyon ay makita natin na it is working during the pilot phase,” anito.

“The second parameter, is the COVID-19 risk assessment which is based on the alert level system,” dagdag na pahayag nito.

Ayon sa DepEd, ang pilot run, kinabibilangan ng 100 public schools at 20 private schools, ay dinisenyo para tutukan ang mga kabataan ayon na rin sa naging payo ng health experts at Department of Health (DOH).

Lumahok sa pilot run ng limited face-to-face classes ang 15,683 mag-aaral sa 287 public at private schools sa buong bansa mula Nobyembre 15 hanggang Disyembre 20, 2021. Kris Jose