Mas maraming IT-based jobs sa Pinoy resulta ng Ph-China agreement

Mas maraming IT-based jobs sa Pinoy resulta ng Ph-China agreement

January 10, 2023 @ 10:11 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – UMAASA ang top diplomat ng Pilipinas sa China na ang kamakailan lamang na bilateral meeting sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping ay makalilikha ng mas maraming job opportunities para sa mga Filipino customer service providers.

Sa pamamagitan ng nilagdaang kasunduan na naglalayong payagan ang mga Filipino na makakuha ng “technology at technological knowledge” mula sa China, inaasahan ni Ambassador Jaime FlorCruz na ang mga Chinese companies ay magsisimulang mag-hire o tumanggap ng mga Filipino bilang kanilang backbone para sa customer support.

“Call center po halimbawa. Marami pong chinese companies, IT companies na nagre-rely, na kailangan ng customer service,” ayon kay FlorCruz sa Laging Handa public briefing.

“Pero mahina po ang kanilang English staff, halimbawa. So, pwede po tayo doong makapasok, na magkaroon ng agreement with Chinese IT companies para Pilipino ang magiging backbone nila ng call center,” dagdag na pahayag nito.

Ang IT industry ay nag-iisang industriya na pinalakas sa three-day state visit ni Pangulong Marcos sa China. Kabilang sa iba pang industriya ay ang agrikultura at imprastraktura, kung saan mas maraming oportunidad ang inaasahan na malilikha para sa mga Filipino.

Samantala, sinabi ni FlorCruz na isusulong naman ng Philippine Embassy sa China ang people-to-people exchanges sa pagitan ng dalawang bansa ngayong taon.

Sisimulan ng embahada ang mga programa na makapanghihikayat sa mga Filipino na matutunan ang Chinese science, arts, at language, “considering that the Asian neighbor has had many breakthroughs in such fields.” Kris Jose