Mas maraming kaso ihahain vs suspek sa NoCot bus bombing

Mas maraming kaso ihahain vs suspek sa NoCot bus bombing

January 18, 2023 @ 1:39 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagsampa na ng mas marami pang kaso ang pulisya at militar sa North Cotabato sa inarestong suspek na itinuturong sangkot sa serye ng pambobomba sa mga bus sa probinsya at Soccsksargen region.

Ani Maj. Gen. Roy Galido, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, naaresto ng militar ang suspected terrorist group member na si Jordan Akmad, 40 taong gulang, alyas Jordan Kamad ng Barangay Salat, President Roxas, North Cotabato.

Ani Galido, karagdagang reklamo para sa murder, frustrated murder, extortion, at terrorism ang ihahain laban kay Akmad na itinuturo ring
improvised explosive device maker ng Dawlah Islamiya – Hassan Group.

Sa intelligence information na ipinakita ng mga awtoridad, lumalabas na si Akmad ay sangkot sa nagdaang mga bus bombing sa mga bus terminal sa North Cotabato.

May kaugnayan din umano ito kay Ali Akbar, leader ng Al Khobar Group na naaresto noong Hunyo 2021.

Anang pulisya, si Akbar ang isa sa mga mastermind sa Yellow Bus Lines (YBL) bombing sa Tulunan, North Cotabato noong Enero 2021 at ang panununog ng isa pang YBL unit sa M’lang, North Cotabato, Hunyo nang kaparehong taon kung saan apat na sibilyan ang nasawi.

Kasalukuyang nakahimpil si Akmad sa President Roxas police station at sumasailalim sa mahigpit na seguridad at tactical interrogation.

Itinanggi naman ito ng suspek at sinabing siya ay ordinaryong magsasaka lamang, at baka siya ay napagkamalan o biktima ng mistaken identity. RNT/JGC