Mas maraming labor attaches, ilalagay sa Europe – Ople

Mas maraming labor attaches, ilalagay sa Europe – Ople

December 14, 2022 @ 8:18 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople ang planong maglagay ng mas maraming labor attaches sa Europe para tugunan ang pangangailangan ng mga overseas Filipinos workers (OFWs).

Sinabi ito ni Ople sa Filipino community sa Brussels, Belgium sa pulong na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ngayon ay nasa Belgium si Marcos upang dumalo sa Commemorative Summit sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations at ang European Union.

“With our new socioeconomic agenda, we will strengthen our economic institution and create more jobs that are both sustainable and in line with labor standards worldwide,” sabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Filipino community.

Nauna nang sinabi ng Pangulo na tinitignan din niya na ituloy ang isang strategic partnership sa Belgium dahil itataas niya ang intensyon ng bansa sa isang royal audience kasama si King Philippe.

Batay sa Facebook post ng Radio TV Malacanang nitong Martes, Disyembre 13 nakipagpulong din ang Pangulo kay International Maritime Employers Council (IMEC) chief executive officer (CEO) Francisco Gargiulo at ilang business executives at lider ng European shipping companies at shipowners association.

Ang IMEC ay nagpapatakbo ng mga tanggapan nito sa Pilipinas at United Kingdom, na kumakatawan sa 250 shipping companies sa buong mundo.

Ito ay kasalukuyang may tinatayang 300,000 marino na may trabaho at higit sa 12,000 shipping vessels na nakarehistro mula sa 60 iba’t ibang bansa.

Nakatakda ring magdaos ng bilateral meetings si Marcos sa mga lider mula sa Belgium, Estonia, Czech Republic, Spain, Denmark, Germany, Poland, Finland, Netherlands at European Union. Jocelyn Tabangcura-Domenden