Mas maraming MMDA enforcers ipakakalat vs traffic sa pagsasara ng Meralco Ave

Mas maraming MMDA enforcers ipakakalat vs traffic sa pagsasara ng Meralco Ave

October 5, 2022 @ 11:27 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkoles na nagdagdag sila ng mga enforcer upang pamahalaan ang bahagyang pagtaas ng trapiko matapos ang pagsasara ng isang bahagi ng Meralco Avenue sa Pasig City.

Sinabi ni MMDA spokesperson Mel Carunungan na kabilang sa mga kalsadang may bahagyang pagtaas ng trapiko ay ang Captain Henry Javier Street at ang intersection sa Camino Verde Road.

“Ang nakita po ng aming director ng Traffic Engineering Center pagkatapos ng isang buong araw na pagpapatupad ng bagong traffic scheme sa lugar na ito ay may bahagyang pagtaas lang po sa Captain Henry Javier Street at sa ito po ‘yung Camino Verde intersection,” saniya.

“Ang ginawa po ng aming [MMDA Traffic Engineering Center] director Noemi Recio ay nag-deploy siya ng karagdagang traffic enforcers para makatulong sa lugar na ito,” dagdag pa niya.

Nagpakita rin ang MMDA ng informational at directional signs para matulungan ang mga motorista.

Nakatakda ring magdagdag ang MMDA ng alternative route kung kinakailangan sa pagsirit ng mabigat na trapiko.

Pagkaraan ng dalawa hanggang tatlong linggo, sinabi ni Carunungan na magpupulong ang MMDA, Department of Transportation, at mga kinauukulang local government units at susuriin ang sitwasyon sa lugar para sa mga posibleng pagsasaayos. RNT