Mas maraming restriksyon sa minors, unvaccinated sa Enero inihirit ng OCTA

Mas maraming restriksyon sa minors, unvaccinated sa Enero inihirit ng OCTA

December 30, 2021 @ 2:10 PM 8 months ago


MANILA, Philippines- Inirekomenda ng independent group OCTA Research ang implementasyon ng mas maraming restriksyon sa mga menor-de-edad at hindi pa bakunadong indibidwal sa Enero, sa inaasahang pagtaas ng coronavirus disease (COVID-19) cases matapos ang kapaskuhan.

Sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David nitong Huwebes na hindi pwedeng hindi itataas ang alert level sa bansa kung hindi lilimitahan ang paggalaw ng mga hindi pa bakunado sa mga pampublikong lugar.

“One thing we would be recommending, by January 1 there should be increased restrictions on minors and the unvaccinated people from going out. This is just a safety precaution,” pahayag niya sa CNN Philippines.

Mahigit 14 milyon mula lima hanggang 11 taong gulang ang nananatiling hindi pa bakunado laban sa COVID-19, habang patuloy naman ang pagbabakuna sa 12 hanggang 17-anyos. Libo-libo pa ring Pilipino na nasa hustong gulang ang hindi pa rin protektado, dahil umano sa pagkatakot sa side effects, pagdududa sa vaccine efficacy, at kwestiyonableng impormasyon.

Inanunsyo ng OCTA na maaaring pumalo sa 2,000 bagong kaso ang maitala sa Disyembre 30, kung saan kalahati nito ay mula sa Metro Manila.

Nsa ilalim ng Alert Level 2 ang bansa hanggang sa pagtatapos ng taon. Iaanunsyo pa ng Inter-Agency Task Force ang para sa Enero 1 hanggang 15 sa linggong ito. RNT/SA