Mas maraming tauhan ng I-ACT sa EDSA Busway asahan sa holiday season

Mas maraming tauhan ng I-ACT sa EDSA Busway asahan sa holiday season

November 18, 2022 @ 10:41 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Magpapakalat ng mas marami pang tauhan ang Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) partikular na sa EDSA Busway habang papalapit ang Christmas season.

Ito ang sinabi ni I-ACT chief Charlie del Rosario nitong Huwebes, Nobyembre 17 kung saan 24/7 umano ang deployment upang tugunan din ang operasyon ng busway.

“Itong darating na Kapaskuhan, mago-augment po ang ibang ahensya ng gobyerno para madagdagan ang visibility natin sa EDSA Busway,” ani Del Rosario kasabay ng public briefing.

Matatandaan na ipatutupad na pagsapit ng Disyembre ang libreng sakay program sa EDSA Busway sa loob ng 24 oras.

Ani Del Rosario, kahit bago pa lamang ang pagsapit ng Undas ay nagpakalat na sila ng mas maraming tauhan sa lahat ng Busway stations 24/7.

“Marami po ang mananakay na kung ginagabi po sila ay ang pakiramdam po nila ay safe po sila doon sa lugar dahil may mga kasamahan pong i-ACT,” aniya.

Kabilang sa mga ahensyang nagpakalat ng mga tauhan sa EDSA Carousel Busway ay ang Philippine Coast Guard, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Metropolitan Manila Development Authority, at Highway Patrol Group.

Matatandaan na nitong Agosto 16 ay nagbigay ng dagdag P1.4 bilyon pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para palawigin ang libreng sakay sa EDSA Busway hanggang sa pagtatapos ng 2022. RNT/JGC