Mas maraming trabaho sa Germany, naghihintay sa mga Pinoy

Mas maraming trabaho sa Germany, naghihintay sa mga Pinoy

June 9, 2022 @ 8:55 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nilagdaan ng gobyerno ng Pilipinas at Germany ang dalawang labor agreement para magbigay ng mas magandang oportunidad sa trabaho para sa mga overseas Filipino workers (OFW), ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Miyerkules.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang paglagda ng bilateral labor agreements ay magpapadali sa recruitment, deployment, at employment ng mga Filipino professionals at skilled workers sa Germany.

Sinabi pa ni Bello na ang dalawang bagong nilagdaang bilateral labor instruments kasama ang Germany ay mga regalo ng gobyerno ng Pilipinas sa ating mga migranteng manggagawang Pilipino bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo, tiyaga, at kasipagan na nagpanatiling nakalutang sa ating bansa sa gitna ng pandaigdigang krisis sa nakalipas na dalawang taon.

“This partnership will open opportunities for Filipino professionals and skilled workers, specifically Electrical Mechanics and Fitters, Electronics Servicers, Cooks, Hotel Receptionists, Waiters, and Plumbers and Pipe Fitters,” anang kalihim

Ang letter of intend ay pinirmahan ng Philippine Overseas Employment Administration, na kinakatawan ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration, at ang German Federal Employment Agency na kinakatawan ng Director for International Relations Alexander Wilhelm.

Gayundin nilagdaan din ni German Minister of Health Karl Lauterbach at Bello ang Memorandum of Understanding (MOU) on the deployment of Filipino healthcare professionals sa Germany upang mapahusay ang recruitment ng mga nars sa ilalim ng pribadong recruitment track at isama ang iba pang mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan.

Binigyan diin ni Bello na ang kasunduan ay magbibigay ng oportunidad sa trabaho para sa physiotherapists, radiographers, occupational therapists, biomedical scientists, at iba pang allied health professionals na ang mga propesyon ay kinokontrol ng naaangkop na mga professional bodies kapwa sa Pilipinas at Germany.

Ayon sa DOLE, ang MOU ay umaakma sa Triple Win Project, isang government-to-government arrangement ng Philippine Overseas Employment Administration at ng Federal Employment Agency/International Placement Services sa Germany na naging daan para sa recruitment ng mga Filipino nurses.

Samantala, pinasalamatan ni Bello ang German government para tamang pagtrato sa mga manggagawang Filipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden