Mas maraming trabaho sa Saudi, nakaabang sa mga Pinoy – PBBM

Mas maraming trabaho sa Saudi, nakaabang sa mga Pinoy – PBBM

November 20, 2022 @ 9:31 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Masayang ibinahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Sabado, Nobyembre 19 sa harap ng Filipino communities sa Thailand na maraming trabaho ang nag-aabang sa mga Pinoy sa Saudi Arabia.

Ito ay makaraang sabihin sa kanya ni Saudi Crown Prince at Prime Minister Mohammed bin Salman (MBS) ang plano nito na tumanggap ng mas marami pang dayuhang manggagawa.

“Sinabi ko nga nung after the 1973 oil crisis, the building boom of Saudi Arabia was the one instigated the new surge of OFWs and he (MBS) immediately stopped me and he said, ‘That’s not a building boom, the one that’s coming is the building boom. That’s nothing compared to what we are going to do, so we will need more workers,’” pahayag ni Marcos sa isang pulong balitaan.

“So that’s another opportunity for us,” dagdag pa niya.

Hindi pa tinukoy ni Marcos kung ano-anong uri ng trabaho sa Saudi ang maiaalok sa mga Filipino.

Nakatakda rin na magpatibay ng kasunduan sa posibleng oil deals ang Pilipinas at Saudi.

“Sa fuel, oil supply, we touched upon it but we just have to pursue it further. ‘Yung fertilizer mukhang mas madali, baka meron tayong makuha sa kanila,” anang Pangulo.

“Sabi niya (MBS), well we can discuss it again. So babalikan natin lahat yun,” dagdag pa niya.

Matatandaan na naging sentro ng pagpupulong ni Marcos at ng Saudi sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit ang usapin sa trabaho.

Sinabi rin ng Department of Migrant Workers (DMW) na pumayag ang Saudi na bayaran ang mga unpaid salaries ng Filipino workers sa Saudi construction companies na na-bankrupt noong 2015 at 2016. RNT/JGC