Mas mataas na multa, single ticketing system target ng LTO

Mas mataas na multa, single ticketing system target ng LTO

November 23, 2022 @ 8:31 AM 7 days ago


MANILA, Philippines – Pinag-uusapan na ng Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority, at ng mga local government units (LGUs) sa Metro Manila ang pagpapatupad ng batas trapiko gamit ang single ticketing system.

Dagdag dito, tinitingnan din ang posibilidad ng pagpapataas sa multa sa mga traffic violators.

Sa pamamagitan ng bagong sistema, mas magiging madali para sa mga lumabag sa batas trapiko na makapagbayad ng kanilang penalty dahil pwede itong gawin sa Bayad Centers o sa mobile application.

“Pag meron pong nahuli at binigyan po silang ticket, yung ticket po na ibinigay po sa kanila ng one agency iho-honor po iyan lang ng kasama natin sa single ticketing system,” sinabi ni LTO chief Art Jay Tugade.

“Wala na pong confiscation of license, ang LGU ay hindi na kukuha ng mga lisensya. Bagkos, yung mga mahuhuli po ay naka-tag na po sa LTO,” dagdag naman ni Noreen San Luis-Lutey, chairperson ng technical working group (TWG).

Sa ilalim ng panukala, tataasan sa P1,500 mula P1,000 ang multa sa hindi pagsusuot ng helmet at ang pagsusuot naman ng unauthorized helmet ay nasa P3,000.

Pinag-aaralan din ng TWG ang multa sa mga backride ng motor na nakasuot ng tsinelas, sandalas o iba pang panyapak.

Samantala, ang mga tsuper na nagbababa at nagsasakay sa maling lugar ay magkakaroon ng multa na P1,000 mula sa dating P500.

Sa overspeeding, P1,000 naman ang itatakdang multa at P2,000 hanggang P5,000 sa counterflow violators.

P500 naman ang multa para sa number coding at traffic signs violators.

Bibigyan ng 30 araw ang mga motorista upang pasinungalingan ang violation. RNT/JGC