Mas matandang edad ng ama, may masamang epekto sa anak at asawa

Mas matandang edad ng ama, may masamang epekto sa anak at asawa

November 6, 2018 @ 2:14 PM 3 years ago


 

Manila, Philippines – Sa kagustuhang masiguro ang kinabukasan ng mga magiging anak, may ilan na pinipiling mag-ipon muna bago bumuo ng pamilya hanggang umabot na sila ng edad 30. Mayroon din naman na umaabot ng 40-anyos kung saan sinasabing mas matalino at maalam na ang isang tao sa buhay.

Gayunpaman, bagama’t maraming magandang epekto ang pagkakaroon ng anak sa tamang edad, isang bagong pag-aaral sa New United States ang nakatuklas na ang mga lalaking mas matandang nagiging ama ay mayroong negatibong epekto sa kalusugan ng anak pati na sa kanilang mga asawa.

Sa pag-aaral, sinuri ng mga researcher mula sa Stanford University ang mga datos mula sa 40,529,905 ipinanganak sa US sa pagitan ng 2007 at 2016.

Matapos isaalang-alang ang ilang factors gaya ng edad ng nanay, paninigarilyo habang buntis, lahi, edukasyon at bilang ng mga prenatal visit, natuklasan ng mga researcher na habang tumataas ang edad ng tatay, tumataas din ang tiyansa na maging premature ang anak, magkaroon ng mababang birth weight at mas kinakailangan ng healthcare support matapos ipanganak.

Nakita rin sa pag-aaral, inilathala sa Th BMJ, na ang mga anak ng mga tatay na nasa edad 45 pataas ay isinisilang ng 0.12 linggo na mas maaga at mayroong 14% na tiyansang maging premature kumpara sa mga tatay na edad 25 hanggang 34-anyos.

Ang mga bata rin ay mas magaan ng 20.2 grams at mayroong 14% na tiyansa na magkaroon ng low birth weight kaysa sa mga sanggol na isinilang na mayroong mas batang tatay. Mayroon din silang 14% na tiyansa ma-admit sa neonatal intensive care unit at 18% na tiyansang magkaroon ng seizure.

Bukod pa rito, ang mga sanggol na anak ng edad 55-anyos na tatay ay karaniwan ding nakakaiskor ng mababa sa Apgar test, isang test na ginagamit sa pag-assess ng kalusugan ng saggol pagkasilang.

Sa kabilang dako, natuklasan din ng mga researcher na hindi lamang ang anak ng mga matatandang tatay ang naapektohan dahil maging ang kalusugan ng asawa nito ay apektado rin.

Ayon sa pag-aaral, mas tumataas ang tiyansa ng pagkakaroon ng gestational diabetes ng mga buntis habang tumataas ang edad ng ama. Sa katunayan, ang isang babaeng buntis na may asawang edad 55-anyos o mas matanda pa ay may 34% na tiyansang magkaroon ng gestational diabetes.

Binigyang diin ng pag-aaral na ang pag-aaral ay isang observational study lamang at walang konkretong konklusyon ang nakuha tungkol sa sanhi at epekto ng edad ng ama. Gayunpaman, sinasabi rin ng mga researcher na ang bagong pag-aaral ay isang paalala kung gaano kaimportanteng isaalang alang ang kalusugan ng ama sa pagplano ng pamilya.

“A significant number of these negative birth outcomes were estimated to be prevented if older fathers had elected to have children before the age of 45 years. The risks associated with advancing paternal age should be included in discussions regarding family planning and reproductive counseling,” ayon sa pag-aaral./Remate News Team