Mas matapang na climate action, ipinanawagan ng PH delegation sa COP27

Mas matapang na climate action, ipinanawagan ng PH delegation sa COP27

November 18, 2022 @ 5:50 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Isinusulong ng delegasyon ng Pilipinas ang agaran at mas matapang na climate action habang inilahad nito ang sariling pangangailangan at prayoridad ng bansa sa 27th Conference of Parties (COP27) sa United Nations Framework Convention on Climate Change na ginaganap sa Sharm El-Sheikh, Egypt mula Nobyembre 6 hanggang 18.

Kaugnay nito, sa pagbabalik ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga sa Pilipinas noong nakaraang linggo, inilatag nito ang strategic positions na iginiit ng Philippine delegation sa unang linggo ng mga pagpupulong at negosasyon sa climate conference.

Sinabi ni Loyzaga na iminungkahi ng delegasyon na isulong ang posisyon nito sa mga partikular na work streams ng global discussion na magpapalakas ng mga pangangailangan at prayoridad ng bansa, pati na rin ang suporta sa anyo ng technology, transfer, capacity-building at financial support.

Ang mga work streams ay nahahati sa apat na kategorya: loss and damage; adaptation; climate finance; at ang inclusion of greenhouse gas (GHG) emissions avoidance sa Article 6 ng Paris Agreement.

Bunsod nito, isinulong ng Pilipinas ang paggamit ng tiyak na kahulugan ng “loss and damage” kasama ang epekto mula sa extreme climate event at slow onset change, upang maisama ang economic at non-economic losses, at makabuo ng mekanismo na magpopondo at makapagbibigay ng technical support na siyang makatutulong sa mga bansa na pamahalaanan ang loss at damage.

Ibinigay din nito ang buong suporta sa pagbuo ng system of predictable financial support, kasama ang insurance scheme na magbibigay ng financial resources sa mga apektadong bansa.

Umayon din ang bansa na patakbuhin at pondohan ang Santiago Network on Loss and Damage na may layon na magbigay ng tulong teknikal sa mga umuunlad na bansa.

Habang idiniin ni Loyzaga na ang adaptation ay prayoridad ng Pilipinas, sinabi nito na nanawagan ang delegasyon ng Pilipinas ng napapanahon na pagtugon ng Annex I countries sa paraan ng pagpapatupad ng pananalapi, teknolohiya at capacity building ng mga ito.

Inulit ng Pilipinas na ang mga solusyon na ito ay agaran na dapat maipatupad upang
mapabilis ang negosasyon sa adaptation, kabilang na ang National Adaptation Plans at Global Goal on Adaptation.

May malaking papel din ang finance sa concrete climate action.

Iniulat ng delegasyon ng Pilipinas na ang lindol at bagyo ay nagkakahalaga ng average na US$3.5 billion kada taon, na lagpas sa 1.0 percent ng Gross Domestic Product ng bansa, na direct losses sa public at private assets. Sa susunod na 50 taon, tinatayang ito ay lalampas pa sa US$33 billion.

Iginiit pa na ang climate finance ay kailangang mapunan ng viable at effective technology transfer at country-specific capacity building, na magpapakilos ng konkreto na proyekto, programa at inisyatiba.

Binigyang diin din ng Pilipinas ang pangangailangan ng maunlad na mga partido na maging totoo sa pag-ulat ng kanilang mga estratehiya at pamamaraan upang madagdagan ang climate finance. Santi Celario