Mas matinding parusa vs smugglers ikakasa ni Eleazar

Mas matinding parusa vs smugglers ikakasa ni Eleazar

March 30, 2022 @ 6:30 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nangako si senatorial candidate at dating PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na magsusulong ng mas matinding parusa laban sa mga smuggler at kanilang mga kasabwat upang maibsan ang hinaing ng mga lokal na industriya, lalo na ang pagsasaka.

Tiniyak din ni Eleazar na pagtutuunan ng pansin ang mga iligal na aktibidad sa Bureau of Customs, na siyang dapat unang humaharang sa mga puslit na produkto gaya ng gulay.

Ibinigay ni Eleazar ang pahayag matapos ihayag sa isang Senate inquiry na nasa P2.5 milyon na ang nawawala sa mga magsasaka ng Benguet kada araw, simula ngayong taon, dahil sa smuggling ng gulay.

Ayon sa League of Association at the La Trinidad Vegetable Trading Areas, dumoble pa ang dami ng smuggled na carrots, mula 20% noong 2021 hanggang 40% ngayong taon.

“Ang biktima ng smuggling ng mga agricultural products ay itong ating mga lokal na magsasaka. Kasama ang pagbuhos ng suporta sa ating mga magsasaka at mangingisda sa aking legislative agenda at kabilang dito sa maasahan sa akin ng ating mga kababayan ay ang pagtutok dito at ang pagsulong ng mas mabigat na parusa sa mga smugglers na ito,” ani Eleazar.

“Sariwa pa sa aking isipan yung mga pagtatapon ng tone-toneladang kamatis at iba pang agriculture products sa Cordillera at dapat ay hindi na maulit ito dahil unti-unting pag-torture at pagpatay ito sa ating mga magsasaka.”

Sadyang malapit sa puso ni Eleazar, na mula sa agrikultural na lalawigan ng Quezon, ang industriya ng pagsasaka. Ito ang dahilan kaya kanyang isinusulong ang pagpapatayo ng maraming post-harvest facility, pagbuo ng food security clusters, insurance para sa mga agricultural product na masisira ng kalamidad, at scholarship para sa anak ng mga magsasaka’t mangingisda.

Sa problema ng smuggling, ipinalwanag ni Eleazar na lumalakas lang ang loob ng mga smuggler dahil sa paniniwalang makalulusot ang mali nilang gawain at kahit mahuli pa’y madali silang makakaalpas.

“The certainty that they would be caught and punished is one of the best ways to address this problem and this is where I would focus by strengthening the investigative and operational capabilities of the government to run after them and whoever are their cohorts in the government,” ani Eleazar.

“Kailangang mas mabilis ang aksyon laban sa mga smugglers na ito at ang kanilang mga kasabwat at ilalaban din natin na mabawasan ang human intervention lalo na sa Customs sa pamamagitan ng digitalization of its operations,” aniya pa.

Noong magsilbi bilang hepe ng PNP, tiniyak ni Eleazar na mabilis naaksyunan ang lahat ng reklamo laban sa mga abusadong pulis, at sinigurong naipatutupad lahat ng disciplinary measures.

Kasunod nito’y ikinalat ni Eleazar sa buong PNP ang “nameless and faceless” recruitment system para labanan ang kultrang “padrino,” na siyang itinuturong dahilan kung bakit maraming bagitong pulis ang nasasangkot sa iligal na gawain.

“Ang masamang kultura ng padrino sa ating pamahalaan ang dahilan kung bakit hindi matigil-tigil ang korapsyon sa pamahalaan. Kapag nakapasok ang mga taong ito sa gobyerno, ang loyalty nila ay hindi sa taumbayan kung hindi sa mga taong pinagkakautangan nila ng loob. At kung nakapasok sila sa pamahalaan sa pamamagitan ng suhulan, tiyak na babawiin nila ang ipinag-suhol nila sa taumbayan hanggang sa maging normal na ito sa kanila. Ang kawawa? Ang taumbayan,” ani Eleazar.

“Kung nagawa nating magpatupad ng mga reporma sa PNP at banggain ang sistema n maling gawain sa police organization, I am confident na kaya kong gawin ito bilang isang senador,” aniya pa.