Mas murang ‘pataba’ bibilhin ng Pinas sa Tsina

Mas murang ‘pataba’ bibilhin ng Pinas sa Tsina

November 8, 2022 @ 7:53 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Target ng gobyerno ng Pilipinas na bumili ng mas murang fertilizers mula sa China.

Ayon sa Office of the Press Secretary, lumutang ang posibilidad habang tinatalakay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga planong mag-angkat ng mas murang pataba sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at Philippine Trade and Investment Center (PTIC).

Ayon kay PTIC President at Chief Executive Officer Emmie Liza Perez-Chiong, plano ng ahensya na bumili ng paunang 150,000 metric tons ng fertilizer ngayong taon mula sa China sa $470 per MT, na mas mura kaysa sa kasalukuyang $650 per MT sa pamamagitan ng government-to-government arrangement.

Ang nasabing mga pataba ay ibibigay naman ng libre sa mga magsasaka para masuportahan sila at mapababa ang presyo ng mga produktong pagkain, ayon pa sa OPS.

Sa ngayon pinaplantya na ang kasunduan sa pagitan ng PTIC at DA na isang rekisitos sa pag-aangkat. Habang isang sovereign guarantee mula sa Landbank na pag-aari ng gobyerno ang nasiguro para sa P1 bilyong credit line.

Sinabi ni Marcos, na kasalukuyang nakaupo bilang DA chief, na pipirmahan niya ang MOA sa pagitan ng DA at PTIC ngayong linggo. Inutusan din niya si Finance Secretary Benjamin Diokno na palawigin ang sovereign guarantee sa credit line ng PTIC mula sa LandBank.

Naglaan ang DA ng P4.1 bilyong subsidy para makabili ng mga pataba, na ibibigay nang libre sa mga magsasaka. Sa pagbaba ng halaga ng mga pataba, makabibili ang DA ng humigit-kumulang 2.277 milyong bag ng urea na ibibigay sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mga grupo at kooperatiba ng mga magsasaka.

Plano ng gobyerno na mag-angkat ng humigit-kumulang 300,000 MT ng pataba na gagamitin sa susunod na taon, ayon sa OPS. RNT