Masamang imahe ng Pinas sa foreign films pwedeng tapatan ng lokal – Poe

Masamang imahe ng Pinas sa foreign films pwedeng tapatan ng lokal – Poe

February 23, 2023 @ 5:07 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – May pantapat na pelikula ang bansa sa mga negatibong imahe na ipinapakita sa ilang foreign films patungkol sa Pilipinas.

Ito ang ibinahagi ni Senador Grace Poe nitong Huwebes, Pebrero 23 kasabay ng diskusyon ng Senado sa pelikulang “Plane” ni Scottish actor at film producer Gerard Butler na nagkaroon ng hindi magandang impresyon sa Pilipinas, partikular na sa Mindanao.

Matatandaan na nauna nang pinuna ni Senador Robin Padilla ang naturang pelikula na nagpapapangit umano sa imahe ng Pilipinas.

“Kung matatandaan ninyo, siguro si FPJ (Fernando Poe Jr.) ang may pinakamaraming pelikulang nagawa tungkol sa kagandahan at kagalingan ng ating mga kapatid sa Mindanao,” ani Poe.

“‘Pag may mga sinasabing mga ganito tungkol sa Mindanao, meron naman tayong mga pantapat diyan… So, may mga pantapat din na mga pelikula that will dispel those claims of other movies,” dagdag pa niya.

Suhestyon ni Poe, gumawa rin ng pelikula na magpapakita naman ng kabayanihan ng mga sundalo ng bansa.

“Balanse lang ‘yan. Kung sino ‘yung gumawa ng pelikulang gan’un, ‘yun ang expression niya. Kaya rin nating gumawa ng pelikula na ipakita naman natin ang galing ng ating mga kawal,” aniya.

Sang-ayon naman si Padilla sa rekomendasyon ni Poe, sabay-dagdag ng suhestyon at sinabing dapat gumawa rin ang mga local filmmakers ng pelikula na magpapakita kung gaano ka-walang kwenta ang mga sundalong Amerikano.

“Gawan naman po natin ng pelikula ang mga sundalong Amerikano na sila naman po ay walang kakwenta-kwenta,” ani Padilla.

“Gawan din natin ng pelikula ang gobyerno nilang walang kakwenta-kwenta rin para ‘yan naman po ang ating Constitutional right,” pagpapatuloy pa niya.

Nauna nang ipinangako ng Movie and Television Review and Classification Board, na dating inuupuan ni Poe, ang reevaluation sa “Plane” kasunod ng panawagan ni Padilla na i-ban ang naturang pelikula sa bansa. RNT/JGC