MASAYA PA RIN TAYO SA KABILA NG LAHAT

MASAYA PA RIN TAYO SA KABILA NG LAHAT

January 7, 2023 @ 11:30 AM 3 weeks ago


TAYO raw mga Filipino ay masaya sa kahit ano pang dumaang krisis, delubyo o ‘di magandang pangyayari sa nagdaang taong 2022.

Ito ang lumabas sa isang pag-aaral o ‘End of Year Survey’ ng Gallup International Association, na ang Pilipinas ay masayahing bansa sa buong mundo ng taong 2022.

Tatlumpu’t apat na bansa ang naging bahagi ng survey at ang Pinas daw ang nanguna sa pagkakuha ng 75 porsyento kasama ang mga bansang Mexico, Malaysia, Afghanistan, at Ecuador para sa top 5.

Kasama sa resulta ang 39 porsyento ng Filipino ay umaasang maganda ang mga pangyayari sa pagpasok ng taon 2023 kumpara sa 2022. At 52 porsyento naman ang nagsasabing magiging parehas lamang ang ating mga kalagayan, samantalang 5 porsyento naman ang nagsasabi na mas mahirap ang darating na 2023 habang 4 porsyento t naman ang ‘di matiyak kung ano ang dala ng 2023.

Ganun pa man, ang kasalukuyang kalagayan ng bansa ay nasa balag pa rin naman talaga ng alanganin. Lahat ay nangangamba sa takbo ng ating ekonomiya.

Ngunit sa kabila nito, tayong mga Pinoy ay sadyang matiisin at masayahin. Nagagawa nga nating tawanan ang ating mga problema, bago pa nagawa ng sikat na folk singer na si Freddie Aguilar ang kanyang kantang ‘Tawanan mo ang iyong problema’.

Paanong ‘di natin nalalampasan ang lahat ng suliranin na ating nararanasan? Eh talaga namang bukod sa mga matiisin tayo, kaya nating harapin lahat ng buong tapang at tibay ng loob; mapanglikhang pag-iisip at diskarte.

May mga kaibigan tayong mga ‘Chinoy’ na kadalasan ay gumagabay sa atin dahil sa kanilang kakaibang paniwala. Eh di ba nga, ang sabi nila, ang 2023 raw ay Year of the Water Rabbit, kahit ang kanilang Bagong Taon ay magsisimula pa lang sa January 22, 2023 (Chinese New Year).

Sabi rin ng mga Chinoy ang rabbit o koneho ay sumisimbolo raw ng longevity, peace, at prosperity. Yan ay sa kanilang kultura.

Ang sa atin naman, ay kinakain at pinaparami pa ang rabbit dahil masarap daw ang karne nito.

Nakakatawa o nakakatuwang isipin di ba? Nagagawa nating Pinoy na makadiskarte para mairaos ang buhay anoman ang ating mga kalagayan, para maging masaya.

oOo oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!