Mask kailangan pa rin sa pag-alis ng COVID global health emergency – Solante

Mask kailangan pa rin sa pag-alis ng COVID global health emergency – Solante

January 18, 2023 @ 5:46 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kailangan pa rin ang pagsusuot ng face mask kahit na ideklara pa ng World Health Organization (WHO) ang pagtatapos ng global health emergency dahil sa COVID-19.

Kasabay ng paglalahad ng updated guidelines ng WHO sa COVID-19, iginiit pa rin ni Infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante ang kahalagahan ng pagsusuot ng face mask sa community settings.

“Wala pa rin tayong sinasabi na wala na tayong COVID. Magli-lift man ang public health emergency, it is because manageable na ang mga kaso, hindi na napupuno ang mga hospitals, at marami na rin ang nabakunahan. But, nandito pa rin ang COVID sa community,” ani Solante sa public briefing.

“Paalala lang na ang face mask is an important tool na hindi tayo magkakahawaan at hindi tayo makakuha ng infection,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa indoor at outdoor settings batay sa inilabas na executive order ng Malacañang noong nakaraang taon.

Sa kabila nito, batay sa inilabas na updated COVID-19 guidelines, inirerekomenda ng WHO ang patuloy na pagsusuot ng face masks partikular na ang mga exposed sa COVID-19, suspected COVID-19 patient at mga high risk.

Maliban dito, inirekomenda rin ng WHO ang reduced isolation period para sa mga pasyenteng may COVID.

“Actually, lahat itong mga bagong recommendations dito guidelines ay talagang angkop naman doon sa sinasabi din natin. Evidence-based ‘to, science-based. So far, ito ay napaka-importante, especially kapag aalisin na ‘yung public health emergency,” ani Solante.

Nakatakdang magpulong ang WHO Emergency Committee sa Enero 27 upang ikonsidera kung dapat pa bang tawaging global emergency ang COVID-19.

Samantala, inanunsyo nitong Martes, Enero 17 ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na handa ang Pilipinas kung sakali mang ianunsyo na ng WHO ang pagtatapos ng global health emergency sa nasabing sakit. RNT/JGC