Mass testing tuloy; pamahalaan dedma sa COVID-19 cases SEA ranking

Mass testing tuloy; pamahalaan dedma sa COVID-19 cases SEA ranking

August 10, 2020 @ 9:31 AM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Hindi nagpatinag ang gobyerno sa mga naglabasang puna at pambabatikos kaugnay sa pagiging numero uno na ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya bilang may pinakamaraming kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, makabubuting tingnan ng publiko ay ang buong konteksto kung bakit marami pa ang naitatala at naidaragdag sa listahan ng mga tinamaan ng virus sa bansa.

“Ikumpara nga po natin ngayon ang testing na ginagawa sa Indonesia ‘no. Sa parehas na petsa, as of August 4, according to Our World in Data, iyong Indonesia raw po tested around 908,000 lamang or an average of 14,921 per day within the last seven days. At kung titingnan natin ang populasyon ng dalawang bansa, ang tests na ating isinagawa na po relative to our population size is 1.5%, ikumpara ninyo naman po sa 0.34% ng Indonesia. Ibig sabihin po, dahil mas maigting ang ating pagti-test, hindi po totoo na mas maraming kaso tayo kaysa sa Indonesia – hindi lang nalalaman ng mga Indonesian kung sinu-sino iyong mga umiikot na mayroon na pong sakit; at least tayo po, alam natin kung sino na po sila,” ayon kay Sec. Roque.

“Kaya po dapat na tingnan natin ang buong konteksto ng isang bagay. Mahalaga po na ang ating mga desisyon ay ayon sa datos at siyensiya,” dagdag pa nito.

Giit ni Sec. Roque, paulit-ulit na lang ang kanilang ginagawang pagpapaliwanag na dahil sa mas maigting na COVID testing ay hindi naman dapat na ipagtaka na magresulta ito para sa mas malaking numero.

Binigyang diin ni Sec. Roque na hindi ititigil ang pamahalaan at sa halip ay mas paiigtingin pa ng gobyerno ang testing efforts nito dahil sa pamamagitan aniya nito ay malalaman kung nasaan ang kalabang virus.

“Uulitin ko po. Kahit po ang mas maigting na testing ay nagreresulta sa mas malaking numero, hindi po natin ititigil iyan dahil diyan po natin malalaman kung nasaan ang kalaban na COVID-19,” diing pahayag nito.

Aniya, hindi kailanman magiging polisiya ng pamahalaan na para lang masabing bumaba ang pigura ng COVID 19 ay itigil o maghinay hinay na lamang sa pagsasagawa ng testing.

Lahad pa ni Sec. Roque, sinabi ni US President Donald Trump na itigil ang testing kung gusto ng mas mababang corona virus rating.”

“Wika nga po ni Donald Trump, para doon sa mga gustong makikita nang mas mababang figures, itigil ang testing. Pero hindi po ganiyan ang polisiya natin. Ang polisiya po natin: Lalo pa natin paiigtingin ang testing dahil nais nating malaman kung nasaan ang COVID-19 nang sa ganoon, sila po ay ma-isolate at ma-trace ang nakahalubilo at gumaling,” ang pahayag ni Sec. Roque. Kris Jose


  •  
  •  
  •  

Loading...