Massage spa na may “extra service,” ni-raid sa QC

Massage spa na may “extra service,” ni-raid sa QC

July 26, 2018 @ 10:02 AM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Sinalakay ng mga pulis ang isang massage spa sa Quezon City na umano’y nag-aalok ng “extra service,” kahapon ng gabi (July 25).

Huli sa akto ng mga operatiba ng Philippine National Police—Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) na walang suot ang masahista at kliyente nito sa loob ng establisyimento.

Sa isinagawang entrapment operation, nakapagbigay pa ng bayad ang mga operatiba sa umano’y bugaw para sa 4 na masahista.

“Mga ino-offer kabataang minor na lalaki na allegedly nagmamasahe pero hindi naman actually marunong magmasahe kundi iba ‘yung kanilang serbisyo na ino-offer,” sabi ni Chief Supt. William Macavinta, director ng PNP-WCPC.

Una umanong nakatanggap ng impormasyon ang WCPC mula sa Inter-Agency Council Against Trafficking at Commission on Filipino Overseas kung saan isinumbong ng isang concerned citizen ang tungkol sa mga aktibidad na kinasasangkutan ng mga menor de edad na nagca-cater ng extra service.

Ayon pa sa WCPC, kung minsan mga estudyante pa raw ang nagtatrabaho sa lugar.

Halos dalawang buwan minanmanan ng mga operatiba ang spa bago makita ang mga iregularidad dito.

“Isa itong massage spa pero halimbawa ‘pag ikaw ay nagpamasahe doon, minsan sinasadya talaga nila na i-provoke at pag na-provoke ka na, siyempre, maghahanap ka na ngayon, magtatanong ka na ngayon kung may extra service,” sabi pa ni Macavinta.

“‘Yung bayaran nila sa regular na masahe is P500, pero pag nag-extra service, depende kung bata ang ibigay sa iyo, aabot ng P3,500.”

Itinanggi naman ito ng umano’y manager ng spa at sinabing kliyente lang ito sa spa.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at RA 9231 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act. (Remate News Team)