Mastermind sa Degamo slay malapit nang maaresto – Romualdez

Mastermind sa Degamo slay malapit nang maaresto – Romualdez

March 6, 2023 @ 5:33 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Naibalik na ang peace and order sa Negros Oriental matapos ang naganap na pagpatay sa gobernador ng lalawigan.

Kasunod nito, nanawagan si House Speaker Martin Romualdez sa mamamayan ng Negros Oriental na manatiling kalmado dahil “on top of the situation” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang pagpaslang kay Gov. Roel Degamo kung saan ilan pa ang nadamay at nasawi.

Ayon kay Romualdez, inatasan na ng Pangulo ang mga otoridad na tutukan ang kaso at tiyaking mapapanagot sa batas ang mga salarin upang mabigyan ng hustisya ang pagpatay kay Gov. Degamo at iba pang biktima, at wala aniyang ituturing na “sacred cows” sa alinmang pagsawata ng gobyerno sa kriminalidad.

“Malaking tao man o may impluwensya, hahabulin namin kayo at papanagutin sa mga kasalanan ninyo. Let me reiterate the warning of President Marcos to criminals: you can run but you can’t hide,” ani Romualdez.

Sa ngayon aniya ay may mga importanteng leads na ang mga imbestigador kung sino ang mastermind ng krimen, sabay sabing “ they are working round the clock at the moment for case buildup.”

“Hindi magtatagal, maipapa-aresto na natin ang utak ng krimen. Pagbabayarin natin ang lahat ng responsable sa krimeng ito. Sisigurin ng ating mga otoridad na mabubulok sila sa kulungan.”

Siniguro din ni Romualdez na ang Kamara ay handang magkaloob ng kakailanganing suporta sa Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) maging ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa pagpapanatili sa kapayapaan at kaayusan sa ating bansa at sa pagsusulong ng hustisya.

Nitong Linggo, Marso 5 ay nanumpa na sa harap ni DILG Secretary Benjur Abalos at ni Romualdez si Negros Oriental Vice Governor Carlo Jorge Joan Reyes bilang gobernador kapalit ni Degamo at unang Board Member Manuel Sagarbarria bilang Vice Governor. Meliza Maluntag