‘Mastermind’ sa NCMH director slay, nadakip na

‘Mastermind’ sa NCMH director slay, nadakip na

July 12, 2021 @ 5:24 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Nadakip na ng Quezon City Police District (QCPD) ang sinasabing mastermind at driver/body guard na nasa likod ng pananambang sa director ng National Center for Mental Health Director (NCMH), sa Quezon City noong Hulyo 27, 2020.

Kinilala ni QCPD P/BGen. Antonio C. Yarra ang mastermind na si Clarita M. Avila, 65 anyos, dating hepe ng Administrative Support Service ng NCMH, at residente ng Woodland Hills, Brgy. Silangan, San Mateo Rizal.

Kusang-loob namang sumuko sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang driver/ body guard ni Avila na si George Serrano, 57, residente sa NCMH Compound, Nueve De Pebreo St., Mauway, Mandaluyong City.

Nabatid na nitong nakaraang Hunyo 25, bandang 11:45 umaga dinakip si Avila sa kaniyang tahanan sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Rochelle Santos Manuel, ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 97 nitong nakaraang Hunyo 23.

Pero hindi pa agad inilabas ng QCPD ang pagkakaaresto kina Avila at driver nito dahil isinailalim pa umano sa masusing imbestigasyon.

Magugunitang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng ‘riding-in-tandem’ ang director ng NCMH na si Dr. Roland Luyun Cortez, at personal driver niyang si Ernesto Ponce Dela Cruz sa kanto ng Cassanova Drive at Tandang Sora Ave., Brgy. Culiat, QC.

Sa salaysay ng mga nakasaksi, sakay ng motorsiklo ang dalawang salarin at kinatok pa umano ng rider ang pintuan ng sasakyan ni Cortez at nang buksan ay doon na sila pinagbabaril.

Ang pagpatay sa director ng NCMH ay posibleng may kinalaman sa trabaho matapos na magpatupad ng mga reporma si Cortez sa NCMH, na nagresulta upang maim­bestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) at masampahan ng kaso si Avila.

Lumalabas na si Avila ay umano’y sangkot sa katiwalian na may kaugnayan sa pagpapatakbo ng food catering gayundin sa clothing at medication procurement sa NCMH.

Patuloy naman na pinaghahanap pa ng QCPD ang isang nakilalang Sonny M. Sandicho na may partisipasyon din umano sa nasabing krimen. Jan Sinocruz