Mastermind sa pagbomba sa bus sa NoCot, 3 kasabwat dedo sa mga sundalo

Mastermind sa pagbomba sa bus sa NoCot, 3 kasabwat dedo sa mga sundalo

January 17, 2022 @ 7:33 AM 7 months ago


CAMP SIONGCO, Maguindanao – Napatay ng kasundaluhan sa ikinasang manhunt operation ang nasa likod ng pagbobomba sa pampasaherong bus sa Aleosan, North Cotabato kasama ang tatlong kasabwat nito.

Matatandaa na noong nakaraang linggo nang yumanig ang balitang pagkasawi ng limang anyos na bata at pagkasugat ng anim na iba pang pasahero matapos pasabugin ang isang bus.

Kinilala ni Maj. Gen. Juvymax Uy, ang 6th Infantry Division commander, ang tatlo sa apat na napatay sa operasyon na sina Norodin Hassan alias Andot, ang kilalang emir para sa military affairs ng Dawlah Islamiya Hassan Group, Abdonillah Hassan alias Don, at Abdonhack Hassan alias Abdon.

Nasawi ang mga ito sa isang Army operation sa liblib na lugar sa Carmen, North Cotabato.

Narekober mula sa mga suspek ang M14 at M1 Garand rifles, mga bala at basyo ng iba’t ibang armas, analog cellphones, solar panels, handheld radios, at mga subersibong dokumento.

“The death of alias Andot and three of his cohort only shows that justice is given to the victims of the Mindanao Star Bus bombing,” ani Uy, na siya ring head ng Joint Task Force Central, sa isang pahayag.

Ayon sa military, malaki ang naging papel ng publiko at mga impormasyong ibinigay nito sa ikatutunton ng mga suspek sa malagim na pagpapasabog.

“After we identified the perpetrators who are responsible for the bombing attack, we immediately launched the manhunt operation to prevent them from doing similar atrocities in other areas thus preventing further loss of lives and damaged to properties,” ani Col. Jovencio Gonzales, ang 602nd Infantry Brigade commander. RNT