Masungi binisita ng DILG, DENR

Masungi binisita ng DILG, DENR

September 23, 2022 @ 4:04 PM 2 days ago


MANILA, Philippines – Binisita ng ilang opisyal ng Department of Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources ang Masungi Georeserve sa Rizal ngayong araw, Setyember 23.

Ito ay upang tingnan ang kasalukuyang sitwasyon sa lugar makaraang mapaulat na may ilang armadong lalaki ang nagkampo sa lugar kamakailan.

Sa imbestigasyon ng pulisya ay napag-alaman na mga guwardiya pala mula sa isang security agency ang mga armadong lalaki na kalaunan ay boluntaryo umanong umalis.

Paglilinaw ng DILG, hindi maaaring basta-bastang pumasok ang mga tao na may dalang armas sa mga lupang pinag-aagawan dahil lilikha ito ng tensyon sa lugar.

Maliban sa pagbisita, nagamit rin ang pagkakataon na makapaglabas ng hinanakit ang Masungi Georeserve Foundation (MGFI) dahil sa tila hindi umano umaaksiyon ang pamahalaan upang tulungan sila sa pangangalaga ng naturang protected area

Pinasisiguro naman ni DILG Secretary Benhur Abalos na hindi na dapat madagdagan ang mga iligal na establisyimentong itinatayo sa loob ng Masungi Georeserve na isa sa mga suliranin ng mga tagapangasiwa nito. RNT/JGC