Masungi sa DILG, DENR, PNP: Pagkubkob sa protected area sa Tanay, Rizal, pigilan

Masungi sa DILG, DENR, PNP: Pagkubkob sa protected area sa Tanay, Rizal, pigilan

September 18, 2022 @ 3:27 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpapasaklolo ang Masungi Foundation sa pamamagitan ng liham sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na pigilan ang mga armadong kalalakihan na pumasok at binarikadahan pa ang lupaing sakop ng kanilang protection area sa Tanay, Rizal.

Ayon kay, Anne Dumaliang, ng National Geographic Explorer and trustee, Masungi Georeserve Foundation, nito lamang Setyembre nang simulang postehan ng mga armadong grupo na nagpakilalang mula sa Sinagtala Agency ang bahagi ng conservation area sa Km 48 ng Marikina-Infanta Highway.

Dahil dito ay hinihiling ng mga nangagasiwa ng Masungi Foundation, na agad na aksiyunan ng pamahalaan, partikular ng DENR, DILG, at PNP para mapigilan agad ang pananakop sa nasabing protected area.

Aniya, base sa mga karanasan nila sa mga nakalipas na mga taon, ang modus na ginagamit ng mga land grabber ay magdala ng maraming tao at security agency para ma-take over ang isang lugar sa pamamagitan ng puwersahan at pagkatapos ay binebenta.

“Kung hahayaan natin silang sakupin ang lugar, isa iyong malaking kawalan sa Masungi wildlife sanctuary at sa bansa. Ang lugar ay bahagi ng Masungi conservation area, Kaliwa watershed protected area, at titulado sa Republika ng Pilipinas simula pa noong 1950’s,” pahayag ni Dumaliang.

Nangangamba umano ang Masungi na posibleng ibenta sa isang third party o pribadong indibidwal ang conservation area na ipinagbabawal ng batas.

Alinsunod sa National Integrated Protected Areas System Act 1992, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok o pagtatayo ng anumang istraktura sa consetvation site na deklarado ng pamahalaan.

“Kung ano ang magiging aksyon ng gobyerno dito ay magiging takda kung gaano tayo kaseryoso sa pagtanggol ng yamang-likas ng Pilipinas,” dagdag pa ng managing trustee ng Masungi. RNT