Masungi wagi sa Global UN Award

Masungi wagi sa Global UN Award

September 29, 2022 @ 10:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinarangalan ang Masungi Geopark sa United Nations Sustainable Development Goals (UN SDG) Action Award sa ilalim ng Inspire Category, na ginanap sa Bonn, Germany nitong Setyembre 27, 2022.

Sa kanyang acceptance speech, lubos na pinasalamatan ni Masungi trustee Billie Dumaliang ang United Nations at ang UN SDG Action Campaign sa paggawad sa Masungi ng karangalan.

“You don’t know how much this means to us, at such a critical time when our work continues to be undermined and under-supported in our home country,” pahayag ni Dumaliang.

Inialay din niya ang parangal sa mga Masungi ranger, na aniya’y hindi inaalintana na maputikan man ang kanilang mga kamay at paa maipagtanggol lamang ang ating mga kagubatan.

Para rin aniya ang parangal sa mga kaalyado, kasosyo, at sa buong komunidad na tumulong sa kanilang mga proyekto sa kagubatan.

Maging sa quarry companies, land grabbers, at sa kanilang mga enabler sa gobyerno” ay inialay din ng Masungi trustee ang parangal na patuloy na nagiging hamon sa kanila.

“To the people who have said that we are dreaming too big, that this is the way things have always been, and that we are pushing too far. This is for you. This is a reminder that we will not stop. That we will win in the end with our energy and creativity,” dagdag pa ng Masungi trustee

Sa 3,000 entries mula sa mahigit 150 bansa, ang Masungi Georeserve Foundation ang nanguna sa kompetisyon para sa mga pagsisikap nitong pinangungunahan ng mga kabataan sa paglaban sa deforestation at pagbabago ng klima sa pamamagitan ng pagpapanumbalik at proteksyon ng Masungi landscape at mga bahagi ng Upper Marikina Watershed.

Pinuri naman ng mga hukom ang Masungi sa pagiging matapang sa paglahok sa mga national legislative inquiries at direct lobbying, maging ang kanilang
pagkamalikhain sa kanilang storytelling. RNT