Matagal na expiry date sisiguruhin ng pamahalaan sa vax donations

Matagal na expiry date sisiguruhin ng pamahalaan sa vax donations

December 6, 2021 @ 10:31 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Sisiguruhin ng pamahalaan na tatanggapin lamang nila bilang donasyon ang mga COVID-19 vaccine na matagal pa ang expiration date.

Ito ang sinabi ni acting Presidential spokesperson Karlo Nograles kung saan sa kasalukuyan ay nakabuo na umano ng batayan at panuntunan ang pamahalaan kaugnay ng pagtanggap ng naturang donasyon.

Dagdag pa ni Nograles, nakikipag-ugnayan na umano si National Task Force chief Secretary Carlito Galvez Jr. sa mga vaccine manufacturers kaugnay ng expiration dates.

“Isa pang sinabi ni Sec. Charlie, iyong pakikipag-ugnayan din sa mga donations na dapat maglagay din po tayo, pag dino-donate sa atin, dapat we have to emphasize na iyong idu-donate huwag iyong near expiry,” ani Nograles sa panayam sa radyo nitong Linggo, Disyembre 5.

“Bagama’t nagpapasalamat tayo sa lahat ng mga nagdu-donate ‘no, but the reality on the ground also is we also do not want to have masyadong sobrang dami ng supply na palapit na iyong expiration. Iyong pressure mapupunta sa atin,” dagdag pa niya.

Bagama’t maaaring palawigin pa ng bahagya ang shelf life ng COVID vaccine, hindi umano lahat ng brands ay posible para rito.

“Nagsalita na si Secretary Charlie Galvez at iyong mga miyembro ng vaccine cluster na there are some vaccines na bagama’t sinasabi ang expiry date ay ganito based doon sa pag-assess nila together with the manufacturer and based sa mga experts ay magagamit pa rin naman po. At mayroon tayong papeles at dokumento na nagsasabi na may permiso naman po na puwedeng gamitin iyan,” aniya.

Dahil dito, sisiguruhin umano ng pamahalaan na magagamit na kaagad ang mga bakuna bago pa man ito ma-expire.

“Ginagawa natin ang lahat para lahat ng mayroon tayong supply, first in, first out iyan para hindi tumama doon sa expiration date. Of course, we’re very mindful doon sa expiration date na kailangan iyon ang unahin.” RNT