Matapat na empleyado na nagsoli ng pera, promoted sa P’que city hall

Matapat na empleyado na nagsoli ng pera, promoted sa P’que city hall

November 22, 2022 @ 12:09 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Ginawaran ng agarang promosyon ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang isang tapat na job order (JO) employee matapos magsauli ito ng ng naiwang P30,000 na pag-aari ng isang residente na nakalaan bilang pambayad ng buwis sa city hall nitong nakaraang Nobyembre 17.

Sa pagsasagawa ng flag-raising ceremony, kinilala ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez si Helen Arellano na nakatalaga sa City Environment and Natural Resources (CENRO) sabay ng paggawad sa kanya ng agarang promosyon na maging casual employee na mayroong buong benepisyo, cash reward at pinagkalooban din ng Certificate of Recognition.

“We need more honest employees like Helen Arellano, and we would like her to be a role model and a good example to all our employees,” ani Olivarez sa harap ng mga empleyado matapos ang flag-raising ceremony sa city hall grounds.

Si City Treasurer Dr. Anthony ‘Anton’ Pulmano ang nagbigay ng cash gift kay Arellano habang si CENRO head Mark Besa naman ang nagkaloob ng Plaque of Recognition sa tapat na empleyado ng city hall.

Ayon kay Basa, si Arellano ay empleyado ng CENRO janitorial services division na nakatalaga sa police clearance section kung saan niya natagpuan ang isang envelope na naglalaman ng mga importanteng dokumento at P30,000 cash.

Matapos matagpuan ni Arellano ang naturang envelope na naglalaman ng dokumento at pera ay agad na ibinigay niya ito kay Besa na nag-trace naman sa nagmamay-ari ng isang hindi pinangalanang babae na residente ng Barangay San Dionisio.

Nagpasalamat naman ang naturang babae kay Arellano sabay ng kanyang pagkuwento na magbabayad sana siya ng kanyang Real Property Tax (RPT) nang mailapag at makaligtaan niya sa isang lugar sa police clearance section ang envelope habang ipinoproseso ang kanyang dokumento.

Sinabi ni Olivarez na si Arellano, na dating tumatanggap lamang ng arawang sahod na walang kahit anumang benepisyo, ay kasalukuyan nang casual employee na bukod sa may mas mataas na sahod ay makatatanggap na rin siya ng iba pang benepisyo tulad ng bonuses at 13th month pay. James I. Catapusan