Matapat na gwardya nagbalik ng napulot na P80K

Matapat na gwardya nagbalik ng napulot na P80K

August 18, 2022 @ 8:04 AM 1 month ago


CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Ipinagmamalaki at pinasasalamatan ng SM Megacenter ang isa nilang matapat na security guard na si Ryan Asuncion makaraang isauli nito ang bag ng isa nilang kostumer na si Mary Joyce Rapsing, na may laman na P79,735 at isang smartphone, kamakailan.

Pinapurihan ni Francis Nuega, cutomer relations manager ng nasabing mall, ang mabuting gawa ni Asuncion na sa kabila ng krisis dulot ng pandemya ay hindi ito nasilaw sa pera’t gadget at ginawa pa rin nito ang kanyang tungkulin at responsibilidad na nakasentro sa katapatan at integridad.

“Nawa’y maging inspirasyon ito sa lahat na maging isang man of honor at dedikasyon sa paglilingkod sa ating mga minamahal na SM customers ng may katapatan at malasakit. Sa ngalan ng pamunuan ng SM at ng ahensya ng seguridad ay lubos naming ipinagmamalaki si SG Asuncion”, sabi pa ni Nuega.

Si Asuncion ay nagmula sa isang simple at masipag na pamilya mula sa Llanera, Nueva Ecija kasama ang kanyang asawang si Jamaica Leslie at ang kanyang anak na babae. Halos limang taon siyang nagtatrabaho bilang security guard sa SM sa ilalim ng RJC Corporate Security & Service Inc.

Ang mabuting gawa tulad nito ay nagpapakita ng pangako ng SM Megacenter mall guards sa corporate values​​ng katapatan at integridad ng SM. Pinupuri at hinihikayat ng kumpanya ang mga empleyado nito na maging mabuting halimbawa sa komunidad.

Labis din na nagpasalamat ang kostumer na si Rapsing na residente ng Barangay Matawe, Dingalan, Aurora sa kabutihang ipinamalas ni Asuncion. Ver Sta. Ana