Matapos ang laser incident: AFP chief, China envoy nag-one-on-one

Matapos ang laser incident: AFP chief, China envoy nag-one-on-one

February 16, 2023 @ 11:21 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakipagpulong si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Andres Centino sa gitna ng tensyon kasunod ng laser-pointing incident sa Ayungin Shoal.

Sa isang post sa Facebook, sinabi ni Huang na tinalakay nila ang pagpapalitan at pakikipagtulungan ng military liaison at pati na rin ang pagpapanatili ng “kapayapaan at katatagan” sa rehiyon.

“Had a cordial and constructive meeting with CSAFP General Andres C. Centino during my courtesy visit at the AFP General Headquarters in Camp Aguinaldo, Quezon City,” anang envoy.

“We discussed matters pertaining to mil to mil exchange and cooperation as well as sustaining peace and stability in the region.”

Ang pagpupulong ay dumating ilang araw matapos ang isang Chinese coast guard (CCG) vessel, noong Pebrero 6, ay tinutuk ang isang military-grade laser laban sa isang Philippine Coast Guard (PCG) vessel na nagsasagawa ng resupply mission para sa mga tropang Pilipino na nakatalaga sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Ayon sa PCG, pansamantalang nabulag ng laser ang ilan sa mga tripulante na sakay ng kanilang barko.

Ipinatawag din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Huang sa Malacañang upang ipahayag ang kanyang seryosong pagkabahala sa dumaraming dalas at tindi ng mga aksyon ng China laban sa mga tauhan ng PCG at mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.

Noong Martes, naghain ng diplomatikong protesta ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas laban sa China dahil sa insidente. RNT