‘Maternity leave’ scam iimbestigahan ng DepEd

‘Maternity leave’ scam iimbestigahan ng DepEd

December 16, 2022 @ 1:43 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Bumuo na ng fact-finding committee ang Department of Education (DepEd) upang imbestigahan ang di-umano ay scam sa maternity leave kung saan may ilang guro ang itinuturong naghain ng maternity leave, 11 beses sa loob ng tatlong taon.

Ayon kay DepEd spokesman Atty. Michael Poa, ang komite ay bubuoin ng mga opisyal mula sa DepEd regional offices at hindi mula sa schools division offices upang mapanatili ang pagiging patas sa imbestigasyon.

Una sa agenda ay para siyasatin ang rekord ng di-umano ay filing ng maternity leave at kung talaga nga bang buntis ang mga gurong sangkot o nanganak sa mga panahong iyon.

Hinimok naman ni Poa ang whistleblower dito at iba pang indibidwal na nakakaalam sa naturang scam na humarap at magbigay ng kani-kanilang statement.

“We want to know if this is an isolated case or if it is widespread,” aniya.

Nitong Huwebes, Disyembre 15 ay ipinakita ni DepEd-TAPAT Curriculum Implementation Division Chief Dr. Ellery Quintia ang mga dokumento kung saan nakatanggap ng P35,000 hanggang P61,000 mula 2016 hanggang 2019 ang isang guro nang maghain ng maternity leave.

“Good as cash ito. Kung titingnan mo ito, cash na ito na ibababa sa account ni teacher… Hindi ko naman siya kinausap tungkol dito. Maaaring hindi nga siya aware kung ano iyong nangyari at nanganak siya ng 11 beses sa loob ng tatlong taon… Maaaring si teacher, biktima rin. Ginamit din… Ito ay conspiracy ng mga nasa itaas,” pagbabahagi ni Quintia.

Binalikan niya na noong 2019, may ilang tauhan din ang naghain ng maternity leave na kahina-hinala, at dumating sa puntong kinailangan pang maghain ng joint report ang accounting at bookkeeper dahil dito.

Noong 2021 naman, nalaman ni Quintia ang naturang isyu at nagdesisyon na ibulgar ito ngayon. RNT/JGC